IRESPETO ANG BAWAT BOTO, IHALAL ANG NARARAPAT NA KANDIDATO

KUNG ating titingnan sa pangkalahatan, naging ­maayos ang kampanya ­nitong eleksyon kumpara sa mga nagdaang halalan.

Sa loob ng ilang buwan, naging saksi tayo sa eksena ng awayan at negatibong diskusyon, pati na rin ang kaliwa’t kanang miting de avance, upang ipahayag ang ating suporta sa ating mga ibobotong lider.

Matapos ang ilang buwan, pormal na nating ihahalal ang mga bagong mamumuno at mamamahala sa Pilipinas, na ating inaasahang ­magsasaayos ng sistema ng ating bansa at susuporta sa ating pagbangon mula sa COVID-19.

Bagama’t hindi na bago ay kaliwa’t kanan pa rin ang palitan ng diskurso sa social media upang sa huling pagkakataon ay kumbinsihin ang mga botante kung bakit sila ang dapat na iboto ng mamamayan, samantalang ang ilang mga botante naman ay tuluy-tuloy rin sa pagpapalitan ng maaanghang na salita laban sa isa’t isa.

Kung ating titingnan, kailan ma’y hindi naman naka­tulong ang batuhan ng mga negatibong diskurso at panghihiya dahil hindi naman ito ang nais na marinig ng ­sambayanang Pilipino, kundi dagdag lamang ito sa kanilang iniindang stress.

Ang Pilipinas ay isang malayang bansa. Katulad ng ating karapatan sa pagpapahayag, karapatan din nating iboto ang mga kandidatong malapit sa ating puso, na pinaniniwalaan nating magdadala ng kaayusan at kaunlaran sa Pilipinas.

Subalit katulad ng aking sinasabi, ang ating karapatan ay tila walang saysay kung ang karamihan sa mamamayan ay hindi malayang nakakapagpahayag ng opinyon o karapatan nang walang kaakibat na panunuligsa o pagkontra mula sa publiko at mga kinauukulan.

Sa araw ng halalan, ugaliin nating respetuhin ang boto ng bawat isa. Ang pinakamahalaga naman ay ang pagboto sa mga taong karapat-dapat sa pwesto, uunahin ang ­sambayanang Pilipino, at hindi tumakbo para lamang sa kanilang personal na interes.

Sa ating pagboto, huwag tayong bumase sa katanyagan ng isang indibidwal, sa itsura, o sa kanilang personal na nagawa para sa atin, kundi ay bumase tayo sa kanilang nagawa at magagawa para sa bayan.

Dagdag pa, dapat nating isaalang-alang na ang lahat ng sakit ng lipunan ay kagagawan ng mga lider na may maling patakaran, prayoridad, at pamantayan, at ating inihalal.

Hindi masusugpo ang ­tiwaling pamahalaan ng mismong tiwaling lider, at hindi kahit kailan man uunahin ng nasusuhulan ang kapakanan ng kanyang sinasakupan.

Palagi nating tatandaan na ang bawat boto natin ay ang ­ating tiket tungo sa mas magandang kinabukasan ng Pilipinas. Gamitin natin ang ating karapatang labanan ang katiwalian upang tuluyang umusad tungo sa pagbabago at pag-unlad ang ating bansa.

136

Related posts

Leave a Comment