ISYU SA SUPPLY AT HOARDING NG ASUKAL, TINUGUNAN NI ES RODRIGUEZ

SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA

NATAPOS na ang imbestigasyon tungkol sa isyu ng asukal ngunit patuloy pa rin ang ­usapan tungkol dito. Samu’t saring mga kuru-kuro at haka-haka ang kumakalat, at ginagamit na basehan ng panghuhusga at pambibintang. Ang iba ay tila ba pilit na hinahanapan ng koneksyon ang isyu sa ilang miyembro ng administrasyon.

Mayroon pang ilan na para bang natutuwa pa sa nangyayari dahil mayroong balang maaaring gamitin laban sa administrasyon. Sa kanilang pakiwari, dahil sa isyung ito ukol sa asukal, mapapatunayan na nilang tama sila sa kanilang sinasabing hindi magiging maayos at mahusay ang takbo ng bagong administrasyon sa pamamahala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at sampu ng mga gabinete nito.

Mali ang kanilang akala at gustong palabasin. Inayos na ng gobyerno ang issue.

Ang asukal ay isa sa mga pangunahing produktong pang-agrikultura kaya’t tama lamang na anumang isyu ukol sa supply nito ay dapat tutukan agad gaya na lamang ng isyu ng Sugar ­Order No. 4. Nagpaliwanag na ang mga dapat magpaliwanag ukol sa ­isyung ito.

Mismong si dating DA Undersecretary Leocadio S. Sebastian ang nagbigay linaw na ginawa niya ang desisyon in good faith. Kasabay ng paghahain ng kanyang pagbitiw sa pwesto, ­humingi ito ng paumanhin sa Pangulo ­dahil sa paggawa ng desisyon nang walang pahintulot nito.

Subalit sa kabila ng ­paglilinaw ni Sebastian, tila ayaw pakawalan ng ilan ang usaping ito at sa halip na tumutok sa iba pang isyu ng bansa, mas ­pinipiling palakihin pa ang isyu.

Sa kanyang naging pahayag naman, pinatotohanan ni ES Rodriguez na natanggap niya ang kopya ng Sugar No. 4 noong ika-5 ng Agosto, ngunit kanyang nilinaw na hindi siya sumagot ukol dito dahil wala pa aniyang tugon ang pangulo sa paksang ito.

Nagpahayag din ng kanyang opinyon sa paksa si Senate President Juan Miguel Zubiri at sinabi na artipisyal lamang ang sinasabing kakulangan sa supply ng asukal. Hindi rin aniya ito makapaniwala na mayroong kinalaman si ES Rodriguez sa Sugar Order No. 4 dahil mismong si ES ang nagbigay-alam nito sa Pangulo.

Kung ating babalikan mismong si ES Rodriguez din ang nagbigay ng utos sa Bureau of Customs (BOC) ng Pampanga na magsagawa ng raid sa isang warehouse upang kumpirmahin ang balitang nakarating sa kanya na diumano’y mayroong warehouse sa nasabing ­probinsya na palihim na ­nag-iimbak ng asukal.

Inaksyunan na at inimbestigahan ang isyu ukol sa ­supply ng asukal, ngunit parang may ilang hindi makatanggap sa katotohanang wala namang katiwaliang naganap, at para bang nalulungkot dahil nawalan ng pagkakataong maidiin ang isyu sa administrasyon. Sa halip na palakihin ang isyu, ilaan na lamang ang enerhiya sa mga kapaki-pakinabang na gawain. Patuloy sa trabaho ang ating pamahalaan sa pangunguna ng Pangulong BBM kaya’t sana ay suportahan na lamang sa halip na makigulo pa na wala naman magandang maidudulot sa bansa at mamamayan.

Related posts

Leave a Comment