It’s Barangay’s ‘never-say-die’ attitude!

MATAPOS mawala sa kanila ang korona ng PBA Philippine Cup, nanatiling kampeon ang Barangay Ginebra – sa Governors’ Cup.

Dahil sa COVID-19 pandemic, dalawang taon na isang conference (All-Filipino) lang ang PBA. Sa kabila nito, nanatiling mataas ang tsansa ng Gin Kings sa titulo — hanggang na-injure ang kanilang key players na sina Stanley Pringle at Jared Dillinger.

Noong huling bahagi ng nakaraang taon, bahagya pa lamang nagsisimula ang Governors’ Cup nang isa pang player ng Barangay na si Aljun Mariano ang na-injure din. At sa kainitan ng playoffs, ang pangunahing rebounder, defender at scorer ng team na si Japeth Aguilar ay nag-early exit din dahil sa injury.

Bunga nito nagkaro’n ng agam-agam si Alfrancis Chua, kinatawan ng prangkisa sa PBA Board of Governors, lalo’t halatang may ‘kalawang’ pa dahil sa matagal na hindi paglalaro sa liga ang kanilang resident import na si Justine Brownlee.

Ngunit hindi nagpatinag si Ginebra coach Tim Cone at sa kanyang mentorship ay naitakas ang koponan mula sa elimination round tungo sa quarterfinals. Gayunpaman, nahirapan ang pang-anim na puwestong Kings na malampasan ang No. 3 seed at All-Filipino champ TNT Tropang Giga na may twice-to-beat advantage.

“Tumaas ang kumpinyansa noong tinalo ang TNT,” obserbasyon ni Chua sa kambal na 104-92 at 115-95 victory ng Kings kontra Tropa.

Parang biglang umayon ang magandang kapalaran sa third conference defending champ nang magkaroon ng family emergency at umalis ang premyadong import ng semis match up nilang NLEX na si KJ McDaniels. Matapos ito ay walang hirap na inangkin ng Ginebra ang 3-1 record papasok sa finals.

Sa ika-apat na pagkakataon muling nakatapat ng Ginebra ang Meralco sa Governors’ Cup championship. Kinuha ng Bolts ang Game 1 ngunit nakabawi ang Kings sa Game 2. Muling umiskor ang tropa ni coach Norman Black sa Game 3, at muli ay tumabla ang team ni coach Tim sa Game 4, 2-2.

Habang humahaba ang serye, lalong dumarami ang mga pro-Barangay sa games ng dalawang koponan – patunay na nananatiling buhay ang “never say die” attitude ng Gin Kings na ipinunla ni playing-coach at ‘basketball living legend’ ­Robert “Sonny” Jaworski. At sa Game 5 ay ipinakita ng Ginebra ang kanilang bangis at kinoryente ang Bolts, bago tuluyang pinatay ang ningas nito sa Game 6 at muling inuwi ang Governors’ Cup crown.

“We’re a team that doesn’t quit. We have that legacy and it’s always an honor and a curse to live up to that. It’s very hard but these guys have been finding a way to do that,” sabi ni coach Tim bilang pagkilala sa pamana ni Jawo o Big J.

Sayang at wala si Jaworski sa selebrasyon ng Ginebra. Nagpapagaling pa rin sa karamdaman ang playing-coach ng koponan sa loob ng 14 na taon (1984-1998). Maliban sa taong ito, mula noong 2016 nang umarangkada ang Ginebra sa Governors’ Cup ay palaging present si Jawo para magbigay ng inspirasyon at makiisa sa tagumpay ng Barangay at libu-libong fans nila.

97

Related posts

Leave a Comment