(Unang bahagi)
MAY mga pagtutol sa pagpapanukala ng modernisasyon ng jeepney sa Pilipinas dahil sa mga hindi katanggap-tanggap na implikasyon nito sa pangkalahatang kalagayan at kabuhayan lalo na ng mga maliliit.
Partikular yaong mga pamilyang nais sanang magkaroon ng sariling kabuhayan na hindi na kailangang mag-empleyo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sariling isa o dalawang jeep na pampasada. Pero sa bagong panukala, tila mawawalan na sila ng karapatang makapamasada.
Hindi ko na masisilayan malamang sa mga kalsada ang ilang jeepney na ipinagmamalaking “Katas ng Saudi” ng ilang kababayang pagkatapos makaipon ng kaunti, ay ninais umuwi at makapagpasada na lang at kumita ng sapat para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mag-anak. Sapat na sana ito kasi nga mas ginusto na mamalagi na lang dito para malapit sa mga mahal sa buhay.
Paano na lang sila na hindi naman malalaking kapitalista at hindi kayang makabili ng maraming bilang ng jeep o lalo na at malamang ay hindi kakayanin ang halaga ng modernong jeep? Isang katanungang ang sagot ay makikita sa mga susunod na panahon.
Habang may pagtutol dahil sa usaping nabanggit, tila may tensyon din sa aking dibdib habang iniisip ko ang mga maaari pang implikasyon na hindi pa gaanong malinaw sa ating mga mata.
Dahil malamang, kung may pagbabago sa mga anyo at porma ng mga bagay sa ating kulturang materyal, mayroon at mayroon din itong kakambal na dulot sa iba pang aspeto—gaya sa ating mga kilos at asal.
Ang tanong, sa pagbabagong ito sa paraan ng pagbabayad ng pamasahe, kakayanin ba kaya ng bulsa ng pinakamaliliit na mananakay ang pambili ng e-pass? Sa luma kasing sistema, pwede kang sumakay ng jeep kahit ‘yung mismong katumbas na lang ng pamasahe mo ang laman ng bulsa mo. O minsan, kahit wala na dahil talagang gahol sa budget, nakakasakay pa rin ang ilan nating nagdarahop na mananakay. Paano kaya sa modernisadong jeepney?
Mainam na mapag-isipang mabuti rin kung paano matutugunan ang mga agam-agam na ito para naman hindi gaanong masakit ang pagbabago lalo na para sa mga maliliit na mamamayang Pinoy na nahaharap sa malalaking daluyon sa mundong alam naman nating walang direksiyong tutunguhin kundi pagbabago. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
363