K-12 DAGDAG PASANIN LANG

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

ISA sa mga huntahan ng mga magkakaanak na nagsama-sama sa nakalipas na holiday season ay ang kanilang mga anak na nag-aaral pa. Kumusta na ang mga anak mo? Nakatapos na ba sila?

Puro sama ng loob ang mga sagot sa tanong na ito dahil imbes na nakatapos na ang kanilang mga anak na edad 21 anyos, ay nasa eskuwelahan pa at patuloy na ginagastusan ng kanilang mga magulang.

Isinisisi nila ang dagdag na pasanin sa K-12 program ng Department of Education (DepEd) na lumalabas na wala namang silbi bagkus ay lalong ibinaon ang mga Filipino sa kahirapan sa pagpapaaral ng kanilang mga anak at lalong lumayo ang kanilang pangarap.

Sabi ng ilan “kung hindi sa K-12 na ‘yan, sana tapos na lahat ang anak ko” pero dahil nadagdagan ng dalawang taon ang basic education, imbes na relax na sila ay iginagapang pa nila ang pag-aaral ng mga bata.

Napansin din ng mga ­magulang na mula nang ­ipatupad ang K-12 program, lalong lumala ang kalidad ng ­edukasyon ng mga bata lalo na sa mga ­public school dahil mas dumami ang trabaho ng mga guro kaya nawalan sila ng sapat na oras sa kanilang mga estudyante.

Limitado ang bilang ng idinagdag na mga guro sa public schools kaya ‘yung mga nagtuturo sa first year hanggang 4th year dati ay inilagay sa junior at senior high school.

Ano ang naging epekto? Binawasan ang mga aralin at imbes na buong maghapon sa eskuwelahan ang mga bata para mag-aral ay half day na lang sila kaya anong matututunan nila sa loob ng apat na oras lang?

Ang pinakamasaklap diyan ay ang dagdag na gastos ng mga magulang pero walang natutunan ang kanilang mga anak at higit sa lahat ay hindi nangyari ang pangakong maaaring magtrabaho na ang mga junior at senior high school graduates.

Kamakailan lang ay ­naging viral ang reklamo ng isang ­senior high school graduate na nahihirapang maghanap ng trabaho dahil nire-reject siya ng mga kumpanyang inaplayan niya.

Prayoridad pa rin ng mga kumpanya ang mga college graduate. Oo nga naman, bakit ako kukuha ng senior high school graduate kung may aplikante naman na college graduate?

Isang dating education secretary mula sa isang ­mamahaling eskuwelahan ang alam kong nagtulak sa K-12 program dahil sa kanilang ­eskuwela, ipinatutupad ang K-12 program noon pa man.

Hindi niya ikinonsidera ang malayong agwat ng mga ­magulang ng kanilang mga ­estudyante sa mga magulang ng mga nag-aaral sa public schools na kanyang pinamunuan sa pinansyal na aspeto.

‘Yung sinasabi niya na maaaring magtrabaho na ang mga senior high school gra­duate ay nangyari ba sa kanilang mga estudyante? Palagay ko, hindi! Dahil papayagan ba ng mayayamang magulang ng kanilang mga estudyante na magtrabaho? Imposible.

Sorry, pero karamihan sa mga magulang ng mga ­estudyante sa paaralang pinanggalingan niya ay mga eli­tista at imposibleng tatanggap ng trabaho na hindi angkop sa kanilang life style. Kayo talaga!

29

Related posts

Leave a Comment