KAPAG MAY NAG-INGAY, NABIBINGI RIN SILA

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

NAPAKAINGAY sa Pinas nitong nagdaang isang buwan dahil sa kontrobersyal na Maharlika Wealth Fund (MWF) na biglang sumulpot sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at agad ding ipinasa sa committee level ng Kongreso.

‘Eto ang tanging panukalang batas na inihain sa umaga noong November 28, binasa sa unang pagbasa sa plenaryo kinahapunan at kinabukasan, November 29, ay isinalang sa committee hearing at naipasa agad.

Pero hindi iyan ang dahilan kung bakit nag-ingay ang mga tao kundi sa nilalaman ng panukala na popondohan ito ng P250 bilyon at kalaunan ay inakyat ito sa P275 bilyon, dahil kabilang ang Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security Service (SSS) sa pagkukunan ng pondo.

Hindi ito nagustuhan ng mga empleyado ng gobyerno at pribadong sektor dahil ang kanilang kontribusyon sa GSIS at SSS ay gagamitin sa negosyong papasukin ng MWF corporation na wala silang alam at hindi sila kinokonsulta.

Oo nga naman, bakit papayag ang mga miyembro ng GSIS at SSS na gamitin sa puhunan ang pera nila sa mga negosyong papasukin ng mga lider ng gobyerno nang walang kasiguraduhan na kikita at hindi ipinaalam agad sa kanila.

Pero biglang nagbago ang isip ng mga congressman na nagsusulong sa MWF at hindi na raw isasama ang GSIS at SSS sa mga government financial institution na magchi-cheap-in sa MWF dahil sa ingay ng mga tao.

Kung hindi nagbago ang isip ng mga congressman natin, baka bago maging batas ang MWF ay ubos agad ang pondo ng GSIS dahil mai­ngay ang balita na maraming government employees and officials ang may planong mangutang para mapakinabangan nila ang kanilang pera sa institusyong ito.

Kahit kalahati lang sa mga empleyado ng gobyerno ang sabay-sabay mangutang sa GSIS, matutuyo ang pondo nila at buti nagbago ang isip ng mga congressman at sana magbago na rin ang plano ng mga empleyado ng gobyerno.

Mantakin mo naman, ang GSIS ang pagkukunan ng pinakamalaking pondo na aabot sa P125 bilyon at walang kasiguraduhan na kikita ang kanilang perang gagamitin sa MWF. Paano kung lugi?

Sa SSS, hindi na nga maibigay ang dagdag na pensyon ng mga pensyonado na P1,000 para maging P2,000 tapos may pondong itataya sa MWF para ipampuhunan sa negosyong walang kasiguraduhan? Talagang magwawala sila.

Saka magdaragdag ng premium ang SSS sa susunod na taon dahil sa pananakot na malapit nang matuyo ang pondo nila tapos may huhugutin palang pera para ilagak sa MWF?

Pero tulad ng sabi ko, umatras ang Kongreso sa kanilang unang plano at resulta ‘yan ng pag-iingay ng mga tao. Nabingi ang mga ­congressman sa pag-iingay ng mga tao kaya atras sila.

Pruweba ito na hindi natutulog ang mga tao at binabantayan ang bawat galaw, hindi lamang ng mga nasa ­ehekutibo kundi maging ng mga nasa lehislatura na ang bilis kumilos kapag ang batas na ginagawa ay may kinalaman sa pera.

175

Related posts

Leave a Comment