KAPAKANAN NG MGA BATA ANG UNAHIN

BREAKTHROUGH

Kamakailan ay nag­deklara ng outbreak ng tigdas sa Metro Manila ang Department of Health. Sinabi ni Health Undersecretary Eric Domingo na nasa 861 na ang maaaring kaso ng tigdas ang naitala sa Metro Manila at sa nga­yon ay maaaring tumaas pa o baka nadoble na nga.

At nitong nagdaang araw ay idinagdag ng DOH ang Calabarzon, Western Visayas at Central Luzon.

Hindi biro ang tigdas dahil sinisira ng virus na ito ang respiratory tract o daanan ng hininga hanggang sa kumalat sa buong katawan ng pasyente at ikamatay. Maaari itong maipasa at makahawa ng iba pa. Pero mapanganib man ay maaari namang maiwasan ang tigdas sa pamamagitan ng maagang pagbabakuna.

Sa gitna ng nakakaalarmang kalagayan na ito ng mga batang tinamaan ng tigdas ay inagaw ang pansin ko ng mga batuhan ng akusas­yon at sisihan sa pangyayari.

Ang paninisi kay Public Attorney’s Office Chief Persida Acosta ni Department of Health Secretary Francisco Duque III ay bunga umano ng isyu sa Dengvaxia.

Si Atty. Acosta ang humahawak sa kaso ng mga batang namatay matapos umanong mabakuhan ng Denvaxia, isang anti-dengue vaccine, na sinasabing bumiktima umano ng may 700,000 bata. Nabakuhan umano ang mga nasabing biktima kahit hindi naman dinapuan ng dengue.

Sa kaso ng tigdas, sinabi umano ni Acosta na kaya hindi nagpabakuna ang mga magulang ng kanilang mga anak ay dahil sa pangambang matulad ang mga ito sa biktima ng dengvaxia.

Ngunit sa kasalukuyang sitwasyon, makabubuting iisantabi muna natin ang sisihan at pulitikahan. Sa halip ay tutukan ang kapakanan ng mga batang nasa peligro ang buhay. Maging leksyon ito sa ating lahat at huwag dapat pinupulitika ang kalusugan ng mga bata.

Kailangang kumilos agad ng gobyerno bago mahuli ang lahat. Maaaring bumuo ng isang task force na tututok sa pangangailangan ng mga biktima at magsusulong ng kalusugan upang ipaalam sa mga magulang na kailangan ng kanilang mga anak na mabakunahan.

At kung meron mang dapat manguna rito ay ang DOH kasama ng iba pang ahensya makakatulong tulad ng Department of Social Welfare and Development, mga local government units, Department of Education at maging ng Philippine Information Agency.

Pero tandaan natin na hindi lang sila, lahat tayo ay kailangang magtulungan at makiisa sa gobyerno upang mapuksa ang pagkalat ng nakamamatay na sakit na ito. (BREAKTHROUGH/JESS GALANG)

215

Related posts

Leave a Comment