Dapat bang sisihin ang iba dahil napulaan ka ng dahil sa iyong pagkakamali at pagiging iresponsable?
Ang katanungang ito ay ipinepresenta lang natin, dahil naging karaniwan nang ginagawang paninisi ng ilang opisyal ng gobyerno sa mga mamamahayag, tuwing pumalpak o sumablay sila sa kanilang trabaho.
Tulad ng ginawang paninisi at pambabatikos ng Malacañang partikular ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa ilang media outfits sa umano’y naglabas ng maling pahayag na sina Olympian Hidilyn Diaz at television host Gretchen Ho ay kasama sa mga newly-released matrix na nagpapakita ng mga personalidad na umano’y nagsasabwatan para patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa nasabing matrix, ipinakikita ang sabwatan ng Liberal Party, Magdalo Group, at ilang media outfits para mapatalsik si Pangulong Rodrigo Duterte at palakasin ang kandidatura ng mga opposition senatorial candidates.
Ito ang paninisi ni Panelo: “In sum, there has been a wrong analysis of the diagram by some media outfits which in turn made the basis of a wrong analysis and conclusions by readers and personalities including misses Ho and Diaz. It is therefore not surprising why a number of people reacted because the said diagram, together with this erroneous analysis, would indeed lead them to question the same.”
Paliwanag ng opisyal, hindi naman kanya ang matrix at hindi rin siya ang gumawa nito. “I’m just a messenger,” at nag-present lang umano siya, pero siya ang binabanatan.
Ang matrix ay iprinisenta ni Panelo sa media sa kanilang ipinatawag na press conference sa Malacañang nitong Huwebes kung saan kinuwestiyon ng ilan ang pagkakasama sa mga pangalan nina Diaz at Ho.
Bakit mo sisihin ang media, samantalang isinulat lamang ng media kung ano ang lumabas at nakapaloob sa nasabing matrix? Baka nagkulang ka sa iyong obligasyon, hindi ka muna siguro gumawa ng mga counter checking bago ka humarap sa media. Tuloy kinukuwestiyon ng publiko ang kredibilidad ng ‘Oust Duterte matrix.’
Bilang mga opisyal ng gobyerno dapat maging responsable kayo sa inyong trabaho o ikinikilos. Magkaroon ng sariling panunuri, pagberipika at pag-aaral sa mga detalye at impormasyon bago iharap sa publiko, kung totoo ba lahat ng detalye nito, o fake? Para hindi mauwi sa laban o bawi.
Nasa inyo naman lahat ang kapangyyarihan at hawak n’yo ang buong intelligence community, kaya kahit tulog kayo makukuha mo pa rin ang tamang detalye. Sinasabi nga nila, sa panahon ngayon na high tech na ang lahat ng bagay, isang click ay makukuha mo na ang totoong detalye. Maliban kung iresponsable at tamad ka.
Huwag tayong umakto na parang xerox copier na kung ano ang isinubo, ay siya ring ilalabas. Nakasasalalay sa inyong responsibilidad ang paglalabas ng tamang impormasyon mula sa Palasyo upang maiwasan ang kaguluhan dahil sa misinformation. (Point of View / NEOLITA R. DE LEON)
132