KAPIHAN SA OWWA AY SERBISYO SA MGA OFW

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

KAUGALIAN na nating mga Filipino na kapag may dumarating na bisita sa ating tahanan ay mag-aalok ng isang masarap at mainit na kape.

Maging sa mga importanteng meeting sa negosyo ay kaugalian na ang sabihin sa ating katransakyon na “magkape muna tayo.”

Sa pamamagitan kasi ng pagkakape ay nagiging mahaba ang usapan at tiyak na gising na gising ang diwa ng kausap. Dagdag pa rito ang nakaka-relax na pakiramdam kapag naamoy ang masarap na kape na nagpapanumbalik ng sariwang pakiramdam na tila ikaw ay nag-aalmusal lamang sa umaga.

Kasabihan nga na ang kape ang tanging inumin na sa lahat ng okasyon at iyong kasama mula umaga hanggang sa lamay sa patay.

Sa pag-upo ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio ay nag-isip agad ito ng bagong konsepto na magugustuhan ng ating mga OFW at kanilang pamilya na hindi pa nagagawa ng mga datihang pamunuan ng OWWA. Ang isa sa mga una niyang naisip ay ang bagong paraan na mararamdaman ng ating mga OFW at kanilang pamilya na sa kanilang pagtungo sa OWWA ay mararamdaman nila na ito ay kanilang tahanan.

Kabilang dito ang paglalagay ng isang coffee shop sa lobby ng OWWA sa FB Harrison, Pasay City na kung saan ay libreng makaiinom ng masarap na kape ang sino mang magtutungo roon.

Ang konseptong ito ay hindi lamang ang uminom ng kape, bagkus ay maramdaman ng bawat isang magtutungo rito na ang OWWA ay handang makinig at samahan sila sa ano mang pangyayari sa kanilang buhay maging ito ay masaya o malungkot na karanasan.

Ngunit nakalulungkot na may ilang hindi nakauunawa na binabatikos pa si Administrator Ignacio sa pagbibigay nito ng libreng kape. Tila nakaligtaan ng bumabatikos na ang diwa ng pagkakaroon ng libreng kape sa coffee shop sa OWWA ay isang uri rin paglilingkod sa mga OFW.

Ang OWWA kasi ay hindi lamang ang pamamahagi ng pera at scholarship ang tungkulin, kasama rin dito ay ang psychosocial at mental health assistance. Sa totoo lamang, hindi lahat ng nagtutungo sa OWWA ay humihingi lamang ng tulong pinansyal, dahil marami rin sa mga ­nagtutungo roon ay nangangailangan lamang ng kanilang makakausap at ang iba naman ay dumadalaw lamang sa OWWA na kanilang tahanan.

Ang AKO OFW ay buong pusong nagpapasalamat at sumusuporta sa magandang adhikain na pinasisimulan ng ating OWWA Administrator Arnell Ignacio.

225

Related posts

Leave a Comment