Matinding katatakutan ang tumambad sa mga progresibong organisasyon noong Oktubre 31 sa Isla ng Negros. Habang nakatirik ang mga kandila at naghahanda ang mga Filipino upang gunitain ang Undas, pinasok at hinalughog ang aming opisina, ang Bayan Muna, kasama ng iba pang progresibong organisasyon — Gabriela, Kilusang Mayo Uno, at ang National Federation of Sugar Workers, sa Bacolod at Escalante.
Sa bisa ng isang warrant of arrest na lumipad na parang aswang mula sa Quezon City, nadakip ang 57 katao sa Bacolod at Escalante City, kabilang pa ang ilang mga menor-de-edad. Ikinagulat ng lahat ang mga paratang at pag-aresto dahil ang mga nadakip ay mga kilalang lider ng mga progresibong grupo sa isla na madalas nilang makita sa balita at sa mga rali. Ni hindi naman nila nakikitang may hawak na baril ang mga kabataan at ang mga mass leaders na ito. Wala rin namang nakikita ang mga kapitbahay na nagsasagawa ng military training ang mga aktibista sa kanilang opisina.
Ang tanong ni Bayan Muna Rep. Kaloi Zarate at ni Atty. Neri Colmenares, na pawang mga human rights lawyers, ay ang sumusunod: Ano ang basehan ng RTC sa pag-isyu ng search warrant? May witness ba na tinanong kung totoo ang paratang at may probable cause? Ano ang rason sa pulong na ginawa ni Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert of Quezon City Regional Trial Court Branch 89 at ni PNP NCRPO chief PBrigGen Debold Sinas isang araw bago maisyu ang seach warrant?
Hinihiling ni Atty. Colmenares na isapubliko ang “special docket book” na rekisito upang maglabas ng warrant, dahil lumalabas na walang basehan ang kaso at panggigipit lamang nito sa mga progresibong grupo sa Bacolod. Gayundin, pinapanawagan ng Bayan Muna sa Korte Suprema na repasuhin ang ginawang ito ng QC RTC judge. Kailangang magkaroon ng mekanismo ang Korte Suprema upang hindi magamit ang legal na proseso upang sikilin ang karapatan ng mamamayan. Ibasura ang kaso sa Negros 57! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
246