KAYAMANAN NI MAYOR GUO, PANIS KAY MADAM

BISTADOR ni Rudy Sim

HABANG patuloy na kina-aaliwan ng mga netizen sa social media ang mala-teleseryeng buhay ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ng pamahalaan sa nakalululang lifestyle at ari-arian nito, tila hindi naman maalala ng mga nasa pamahalaan kung sino ang dapat imbestigahan sa paglobo ng Chinese nationals sa bansa.

Kung talagang nais ng pamahalaan na magsagawa ng malalimang imbestigasyon ay dapat nilang kalkalin sa Bureau of Immigration (BI) kung gaano karaming Chinese ang nakapasok sa bansa mula noong nagkaroon ng Visa Upon Arrival (VUA) ang dating administrasyon kung saan ay maraming tiwaling opisyales ng gobyerno ang naging instant millionaire dahil sa isang mayamang babaeng Chinese na nagmamay-ari ng isang malaking travel agency sa Binondo, Manila.

Kung pagbabasehan ay ang helicopter at McLaren ni Mayor Guo, ay walang sinabi ito sa tinaguriang “Madam” na may mas nakalululang kayamanan ngunit hindi inimbestigahan ng gobyerno dahil sa mga bigatin nitong koneksyon kagaya na lamang ng isang senador na business partner umano nito sa isang sikat na Spa sa QC at Roxas Boulevard.

Bukod pa rito ang kanyang mamahaling mga sasakyan na ang ilan ay bulletproof pa, at malaking resort sa Palawan kung saan dito ibinabagsak ang mga bagong dating na Chinese, habang nilalakad pa ng kanyang travel agency ang kanilang resident/student visa upang maging spy ng China government.

Matatandaang isa itong si Madam sa kinasuhan ng NBI sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa panunuhol, sa pamumuno noon ng dating Commissioner ng BI na si Jaime Morente, na bagama’t hinaharang ng matitinong immigration officers sa NAIA ang parating na mga Chinese ni Madam, ay nakapasok pa rin sa bansa dahil sa malaking halaga ng pera.

Wala umanong magawa noon ang immigration officers dahil kahit hindi nila pinayagang makapasok sa bansa ang mga pasaherong Chinese ay nagagawa pa rin umano ni Madam na tawagan si Morente kahit sa oras ng kahimbingan ng tulog nito. Syempre, hindi ka ba gigising kung sa isang tawag o pirma mo lamang ng isang recall of exclusion ay milyones agad ang darating sa iyo kinabukasan, at mismong si Madam ay rektang nakapapasok sa tanggapan ng commissioner.

Ngayong panahon ni PBBM ay nabalitaan natin na kanila umanong iimbestigahan kung mayroong dapat managot sa pagpasok ng mga Chinese sa bansa at isa rito na dapat nilang seryosohin ay ang travel agency ni Madam na hanggang sa kasalukuyan ay aktibo sa BI.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

70

Related posts

Leave a Comment