SA gitna ng panawagan ng pamahalaan para sa pagtitipid ng konsumo ng langis at enerhiya, naglabas ng babala ang Department of Finance (DOF) sa hanay ng Business Process Outsourcing (BPO) industry sa loob ng special economic zones para sa agarang pagbabalik-opisina ng kanilang mga empleyado, kabilang ang call center agents.
Babala ng DOF, tatanggalan ng tax incentives ang BPO firms na susuway sa direktiba. Sa isang banda, may katwiran din naman ang DOF. Sa ilalim kasi ng Republic Act 7916 (Special Economic Zone Act of 1995), may tax incentive na nakalaan sa mga lehitimo at rehistradong kompanya sa kondisyong sa loob ng special economic zone ang kanilang operasyon.
Gayunpaman, higit na angkop ang masusing pag-aaral ng pamahalaang nagkukumahog sa hangaring muling pasiglahin ang ekonomiyang nalugmok sa nakalipas na dalawang taon bunsod ng pandemya.
Ang totoo, may kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na maglabas ng direktiba para sa pansamantalang suspensyon sa pagpapatupad ng naturang probisyong kalakip ng batas na lumikha sa special economic zones.
Bakit kailangang ipagpilitan ang balik-opisina sa gitna ng krisis bunsod ng hindi maawat na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, napipintong dagdag-singil sa pamasahe, kawalan ng linaw sa isinusulong na umento sa sahod, mabigat na daloy ng trapiko, at iba pa.
Ang masaklap, hindi pa naman ganap na natutuldukan ang banta sa kalusugan ng mamamayan dahil sa pag-amin mismo ng Department of Health (DOH) na may banta pa rin ng nakamamatay na COVID-19.
Ang siste, naglabas din ng anunsyo ang World Health Organization (WHO) hinggil sa posibilidad ng muling paglobo ng bilang ng mga positibo dahil sa pagsulpot ng panibagong COVID-19 variant – ang Deltacron, na batay sa pag-aaral ng dalubhasa sa larangan ng siyensya, ay pinagsamang bagsik ng Delta at Omicron variants.
Ang Delta variant ang itinuturong salarin sa likod ng pagpanaw ng hindi bababa sa 400,000 katao sa India noong Hulyo ng nakaraang taon, habang ang Omicron variant naman ay klasipikadong pinakamabilis makahawa sa tao.
Ang tanong – kailangan ba talagang madaliin ng gobyerno ang pagbabalik opisina ng mga empleyado sa gitna ng krisis at peligro?
Ang sagot – kasi nga naghahapit ang gobyerno kaya naman sa ngalan ng pondo, kesehodang may krisis at peligro.
105