Para kina Bayan Muna Representative at Deputy Minority Leader na si Carlos Isagani Zarate at Chairman ng Bayan Muna na si Atty. Neri Colmenares, dapat na ituring na public utility ang tubig dahil ito ay buhay para sa lahat. Kung gayon, ang operasyon, pagmamay-ari, pagtatatag at pagmantina sa waterworks systems ay dapat pinamumunuan at kontrolado ng pamahalaan. Hindi ba’t napakahalaga nitong larangan para lamang ipaubaya ng pamahalaan sa mga pribadong sektor na ang pangunahing hangarin ay kumita?
Gayundin, ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ay binigyan ng mandato na seguruhin na may sapat at walang putol na serbisyo ng tubig sa abot-kayang halaga. Ang lahat ng ito ay sinaad sa batas sa ilalim ng Republic Act 6234. Ngunit noong 1997 ang MWSS ay isinapribado sa loob ng 25-taong
Concession Agreement. Ang resposibilidad ng MWSS ay isinalin sa Manila Water, Company, Inc. para sa East Zone at Maynilad Water Services, Inc. para sa West Zone.
Ngunit, imbis na mababa at sapat na serbisyo sa tubig, ang 20 taong pribatisasyon ng MWSS ay nagresulta sa matataas na paglaki sa singil.
Mula sa Php2-Php4 noong 1997 ang basic na singil ay umakyat sa Php34-Php47 sa 2018. Ito ay pagtaas ng 970% para sa mga konsumer ng Manila Water at 596% para naman sa Maynilad. Bukod pa rito ay nagbabayad pa ang mga konsumer ng 12% value added tax (VAT), 20% environmental charge, at foreign currency exchange adjustment (FCDA.)
Hindi nakakagulat na kumita ng Php94.5 billion ang Maynilad at Manila Water noong 2000 -2015. Sa kabila nito ay napakarami namang naranasan na water interruptions ang naranasan ng mga konsumer. Kaya naman, kailangan talagang repasuhin ang Concession Agreements ng mga kumpanyang ito.
Kaya naman, hindi na tayo dapat na pumayag sa pagsasapribado ng mga public utilities at iba pang batayang serbisyo sa tao. Dahil ito ay hindi mangangahulugan na mababang presyo at maayos na serbisyo. Serbisyo sa tao, huwag gawing negosyo! (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
306