NAKALULUNGKOT isipin na ang Pilipinas ay pinakamalaking tagatustos ng mga nurse sa ibang mga bansa, ngunit ito ay nakararanas ng kakulangan ng health care workers (HCW).
Ayon sa Department of Health (DOH), nangangailangan ang bansa ng 106,000 na nurse sa pampubliko at pribadong mga pasilidad at ospital, at itinuturong isa sa mga dahilan ng kakapusan ay ang migrasyon ng mga nurse.
Ang migrasyon ng mga nurse ay hindi mahaharang ngunit mababawasan kung marami ang permanenteng oportunidad sa bansa. Hindi lamang sahod ang pagtuunan ng pansin. Ang kasiguruhan sa trabaho na magbibigay sa kanila ng katiwasayan para sa kanilang kinabukasan.
Hangga’t hindi nararamdaman ng mga HCW na pinangangalagaan at pinapahalagahan ang kanilang kapakanan ay hindi masasagkaan ang kanilang hangaring mangibang-bansa lalo’t matindi ang pangangailangan ng Estados Unidos at ibang mga bansa ng mga HCW.
Hindi lamang kapos ang bansa sa HCWs, kundi sa mga nursing educator. Ito, ayon kay Philippine Federation of Professional Associations (PFPA) president Dr. Benito Atienza, ay dahil marami na rin sa mga ito ay nangibang bansa. Migrasyon din ang dahilan para sa simpleng rason na malaki ang oportunidad sa maginhawa at may seguridad na buhay.
Ang kakulangan din ng mga nagtuturo ng nursing ay malaking bagay sa pagbaba ng bilang ng mga kumukuha ng kurso dahil ang mga eskwelahan na nag-aalok ng kurso ng nursing ay tumatanggap lamang ng limitadong bilang ng mga estudyante.
Isa ito sa mga isyu na dapat solusyunan.
Mabibigyan ng solusyon ang problema kung pag-uusapan at tatalakayin ng kagawaran ng kalusugan at ng mga medical professional.
Marami ang gustong kumuha ng nursing at hindi na kailangang hikayatin ang mga estudyante na kumuha ng kursong may relasyon sa medikal.
Nakikita lamang nila ang ibang nakapanghihina ng kuryosidad at pangarap sa mga nagtapos ng nursing at ibang kursong may kinalaman sa medikal ngunit iba ang linya ng trabaho dahil sa kakulangan ng permanenteng oportunidad sa mga pangkalusugang pasilidad at ospital, ngunit naibibigay ng ibang trabaho.
