DPA ni Bernard Taguinod
MAG-IISANG taon na sa July 26, 2023 ang Republic Act (RA) 11706 o Timbangan ng Bayan Law kaya nagtatanong tayo, kumusta na ang batas na ito at naiimplementa na ba?
Kasi sa ngayon, wala tayong nakikitang ng timbangan centers sa public at private markets para malaman ng mga consumer kung tama ba ang timbang ng mga pinamili nila.
Ginawa ang nasabing batas dahil maraming mandurugas na retailers sa mga public market kung saan binubutingting nila ang kanilang timbangan para dayain ang consumers at mapalaki ang kanilang kita.
Akala mo tama ang timbang ng pinamili mo dahil kinilo naman ‘yun sa harap mo pero may mga timbangan na ina-adjust ng mga tiwaling negosyante at saka mo lang malalaman na nadaya ka kapag nakauwi ka na at tinimbang mo ang binili mo pero kulang.
Wala ka nang habol kapag nadaya ka na kaya ang gagawin mo na lang ay iwasan na ang tinderang ‘yun pero nakakapandaya pa rin siya dahil hindi lang naman ikaw ang namimili.
Dahil diyan, gumawa ang Kongreso ng batas at noong July 26, 2022 ay nilagdaan ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte pero mag-iisang taon na wala pa rin akong nakikitang timbangan ng bayan sa maraming lugar.
Sa ilalim ng batas na ito, inatasan ang lahat ng provincial, cities at municipal government na maglagay ng timbangan ng bayan center sa lahat ng public at private markets sa kanilang nasasakupang lugar.
Ang sinomang mahuhuli na nandaraya ng timbang ay may katapat na multang P50,000 hanggang P300,000 o pagkakakulong ng isa hanggang limang taon o puwedeng ipataw ang dalawang kaparusahang ito depende sa bigat ng pagkakasala ng isang tindera o negosyante.
Magkatuwang itong ipatutupad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Department of Trade and Industry (DTI) sa koordinasyon ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), League of Provinces of the Philippines, League of Cities of the Philippines at League of Municipalities of the Philippines.
Simple lang ang batas na ito at hindi na kailangan ang malaking pondo para maipatupad pero bakit parang wala pa tayong naririnig na nagawa na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) para dito?
Mahalaga ang batas na ito para maproteksyunan ang mga consumer na walang kalaban-laban kapag dinaya sila ng mga tiwaling negosyante kaya dapat na itong maipatupad.
Mas kailangan ito ngayon dahil masyadong mahal ang mga bilihin at kailangang matiyak na tama ang timbang ng mga binibili ng mga tao. Ang hirap naman na mahal na nga, kulang pa sa timbang.
Huwag naman sana mangyari na saka maalala ang batas na ito kapag may mga magreklamo na kulang ang timbang ng kanilang pinamili.
