‘LIFTING OF BLACKLIST’ SLOT SA POGO, FOR SALE

BISTADOR ni RUDY SIM

NAGBABALA si Cagayan De Oro City, Congressman Rufus B. Rodriguez sa bagong ipinalabas na patakaran ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa mga kababayan nating biyahero palabas ng bansa, na maaaring samantalahin ito ng ilang tiwaling mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nakatalaga sa lahat ng mga paliparan sa bansa.

Bagama’t saludo tayo sa paghihigpit ng immigration officers upang maprotektahan ang mga kababayan natin laban sa malawakang operasyon ng human traffickers, ay dapat din sigurong tingnan ng ahensya kung paano mareresolba ang problema nang hindi malalabag ang constitutional rights ng lehitimong mga biyahero.

Tandaan natin na habang mainit ang sabaw ay masarap itong higupin, ito’y halimbawa na ito ay magiging mitsa ng korapsyon at extortion para sa mga buwayang opisyales ng BI na nakikipagsabwatan sa sindikato at sa bandang huli ay ang pobreng immigration officers ang magiging sacrificial lamb ng gobyerno para lamang magkunwaring sila ay malinis.

Maging ang mga IO ay nagiging biktima rin dahil sa pulitika, dahil hindi naman ito palulusutin at tatatakan ang passport ng isang biyahero kung walang nag-utos sa itaas at kapag sumabit ay sibak ang tao sa immigration counter, at kapag minalas-malas ay may kaso pa ito samantalang ang totoong nakinabang ay nakaupo lamang sa kanyang tanggapan at naghihintay ng parating na salapi.

Sinuportahan naman ni PBBM ang bagong patakaran na inilabas ng IACAT upang malabanan ang human trafficking pero sana ay huwag bine-beybi ng Pangulo ang ilang tiwaling mga opisyales ng BI o kaya sa DOJ, at ang magdudusa sa bandang huli ay ang inosenteng mga tauhan ng immigration na sumunod lamang sa utos ni “Boss”.

Isa na rito ang kaso ng tinaguriang “Pastillas” sa airport sa nakaraang administrasyon, para sa mga ordinaryong tao na walang nalalaman sa totoong nangyari, ay tama at dapat lamang na nakasuhan at natanggal ang iba pang mga nakasuhan dito pero sa likod ng anino ay mas marami rito ang walang kasalanan at naging biktima lamang ng pulitika upang mapagtakpan ang kanilang raket sa airport na hindi naman naputol hanggang sa kasalukuyan.

Hindi na bago para kay Cong. Rodriguez ang nangyayaring katiwalian sa airport dahil bago pa man siya naging mambabatas ay isa ito sa mga dating Commissioner ng BI sa panahon ni Pangulong Erap na naging popular dahil sa paglaban nito sa katiwalian sa ahensya.

Samantala, kung nadiskubre kamakailan ni BI Commissioner Norman Tansingco na mayroong high ranking officials ang nagbebenta ng slot para sa illegal aliens, ay dapat din nitong imbestigahan ang agawan sa “slot” ng “lifting of blacklist” na ayon sa ating nakuhang impormasyon ay mayroong isang makapangyarihang “Chinese” na itatago natin sa pangalang “KIM’, ang malayang nakakapagpapirma ng POGO related case na lifting? Ang detalye… sa susunod!

154

Related posts

Leave a Comment