LRT-1 CAVITE EXTENSION PROJECT, SAGOT SA TRAPIKO

SA GANANG AKIN

Limang taon na ang nakararaan nang maaprubahan at maigawad ng Department of Transportation and Communication (DOTC) sa Light Rail Manila Corporation (LRMC) ang proyekto ukol sa pagtatayo ng karagdagang walong istasyon sa linya ng LRT-1 na tatakbo mula Baclaran patungong Ca­vite. Ngunit sa kasamaang palad, naantala ang pag-andar ng nasabing proyekto. Inabutan na ito ng pagpapalit ng admi­nistrasyon. Panahon pa kasi ng administrasyong Aquino nang makuha ito ng LRMC. Ngayong 2019 ay uumpisahan na ang paggawa nito.

Ang karagdagang walong istasyon ay matatagpuan sa Redemptorist, NAIA Avenue, Asia World, Ninoy Aquino, Dr. Santos, Las Piñas, Zapote and Niog at may kabuuang haba na 11.7 km. Kapag natapos na ang nasabing proyekto, mula sa 20 na kasalukuyang istas­yon ng LRT-1, ito ay magi­ging 28 na may kabuuang haba na 34.4 km. Kasama sa mga istas­yon ang tatlong intermodal road-rail facility para sa mas madaling paglipat ng mga pasahero mula sa tren papunta sa mga normal na pampublikong sasakyan. Bukod pa rito, mula sa karaniwang dami ng ka­yang isakay nito sa kasalukuyan na nasa 458,000 pasahero kada araw, tinata­yang dodoble ang kapasidad nito sa 800,000 na pasahero. Napakaraming benepisyo ukol sa biyahe ang naghihintay para sa mga taga-South partikular na yaong mga manggagaling sa Las Piñas, Parañaque, at Cavite.

Ang biyahe mula Bac­laran patungong Cavite na karaniwang tumatagal ng isang oras at 10 minuto ay iikli sa 25 na minuto na lamang. Tinataya ring makatitipid ng tatlong oras sa biyahe ang mga pasaherong sasakay dito. Napakamakabuluhan ng oras na matitipid ng mga komyuter kapag nagsimula na ang operas­yon ng walong karagdagang istasyon. Maaaring magamit sa mas importanteng bagay gaya ng pahinga at bonding kasama ang pamilya ang mga eks­trang oras na ito.

Anuman ang naging isyu na nagresulta sa pagkaantala ng proyektong ito, ang mahalaga ay sisimulan na ito at hindi magtatagal ay matatamasa na ng mga kom­yuter ang mga ginhawang dulot nito sa ating biyahe.

Ang LRMC ay isang joint venture ng Metro Pacific Investments Corp. (MPIC), Ayala Corp. at Macquarie Infrastructure Holdings Phil. Sila ang namamahala sa operas­yon at maintenance ng LRT-1. Mula nang pinamahalaan ito ng LRMC, napabuti ang serbisyo ng LRT-1. Mula sa 77 na unit ng tren noong Setyembre 2015, nadagdagan ito at naging 109 na noong Marso 2018. Pinalitan din ang riles noong Agosto 2016 kaya mas napabilis ang biyahe ng mga tren dahil mas ligtas na para sa mga ito ang patakbuhin ang tren sa bilis na 60kph kumpara sa 40kph na dating takbo nito. Bumaba rin sa 100 minuto ang cycle time ng mga tren. Ito ay da­ting 118 minuto.

Kaunting tiis na lamang at gagaan na rin ang biyahe ng maraming komyuter sa bansa. Sana ay madagdagan pa ang mga proyektong maaaring maging paraan upang maibsan ang malalang problema ng trapiko sa ating bansa. Sana ang pagsisimula ng proyektong ito ay magsilbing mitsa sa tuluy-tuloy na pagpapabuti sa transportasyon sa Pilipinas lalo na sa Metro Manila. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

82

Related posts

Leave a Comment