PUNA ni JOEL O. AMONGO
HINDI na magkandaugaga sa pagtuturuan ngayon ang ilang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung sino ang nakikinabang sa lagayan sa nasabing opisina ng pamahalaan, na ibinulgar ni Jeff Gallos Tumbado kamakailan sa isang press conference sa Quezon City.
Ayon sa source ng PUNA, kanya-kanyang tanggi ang ilang mga opisyal ng LTFRB na sila ay nakikinabang sa lagayan sa nabanggit na tanggapan na umalingasaw matapos ibulgar ni Tumbado, kasama si Mar Balbuena ng Manibela Transport Group, sa isang press conference kamakailan.
Matatandaan, ayon kay Mar Balbuena, sinabi raw umano ni LTFRB chairman Teofilo Guadiz III kay Tumbado na dating information team head ng nasabing tanggapan, na humihingi ang ahensiya ng P5 million para sa pagproseso ng franchise, special permit, o modification of route.
Ang halagang ito ay idinedeliber diumano ni chairman Guadiz kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista.
Sinabi pa ni Balbuena, ang P5 million na ito ay pampapogi raw umano sa Malakanyang para hindi maalis sa LTFRB si Guadiz.
Bukod sa P5 million, may quota rin daw ang bawat regional director ng LTFRB na P2 million kada buwan.
Ang halagang ito ay napupunta sa opisina ng chairman ng LTFRB.
Hindi bababa sa P30 million ang umaakyat na pera sa tanggapan ng LTFRB chairman.
Dahil dito, nagbanta ang Manibela na maghahanda sila para magsampa ng kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman laban kay Guadiz at iba pa na isinasangkot sa korupsyon.
Kamakailan, ang grupong Manibela, kasama si Tumbado, ay nagsagawa ng press conference kung saan ibinulgar ang katiwalian ng ahensiya.
Dahil sa korupsyon umano sa LTFRB ay sinuspinde si Guadiz at nagtalaga ang Palasyo ng OIC sa naturang tanggapan.
Batay sa pinakahuling natanggap na impormasyon ng PUNA, binawi na raw umano ni Tumbado ang kanyang naunang akusasyon ng katiwalian laban kay Guadiz at iba pa? Bakit kaya?
Sinikap natin na makuha ang panig nina Guadiz at Tumbado subalit hindi natin sila makontak.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com.
107