MAGPASENSYAHAN MUNA

SA TOTOO LANG

Umaaray na nang husto ang mga tao sa ilang mga bayan sa Rizal dahil sa pipe laying na isinasagawa rito ng isang kompanya para umano rin sa ikagaganda ng kanilang serbisyo sa kanilang mga consumer.

Sa tingin natin ay tama lamang na magkaroon ng pipe laying kung kinakailangan lalo na ang makikinabang din nito ay mga libu-libong mga tao sa lugar o mahigit sa 150,000 kabahayan at hindi na maaapektuhan ng kakulangan ng suplay ng tubig.

Pero natural din na hindi maiiwasan na may mga mag­rereklamo rito kaya tama ring magkaroon ng pasensya ang bawat panig – sa mga tao at sa kompanyang nagsasagawa nito – para magkaintindihan at maisagawa ang proyektong ito para na rin sa nakakarami.

Paliwanag pa ng mga tao rito ay apektado nito ang kanilang araw-araw na pamumuhay. Halos sabay kasi ito sa pagbukas ng pasok ng mga estudyante kaya trapik, at may pag-ulan na rin kaya’t naging mahirap ang kanilang araw-araw na gawain.

Dahil mayroong paggawa ay hindi naiwasang maapektuhan din ang daloy ng trapiko. Maliban pa rito ay naiba rin umano ang mga ruta ng mga motorista maiwasan lamang ang masikip na daloy ng trapiko dahil sa pipe laying na para sa kanila ay sadyang malaking abala.

Tuloy parami nang parami ang mga mananakay na sa halip na makasakay ay mga naglakad na lamang. Kaya’t ang sabi nila’y, “hindi ba’t nakakatawa naman talaga iyan?” Wala na kasing pagpipilian ang mga tao lalo na’t mga nagmamadali sila makarating lang sa kani-kanilang mga destinasyon – opisina, eskwelahan, bahay o ano pa mang lugar ang kanilang pupuntahan.

Muli, sa ganitong uri ng sitwasyon ay kailangang may pag-a-adjust. Ganitong may pipe laying ay agahan ng galaw, mula sa paggising, sa pagliligpit o paghahanda ng mga gamit para may sapat pa ring oras para magawa ang dapat na magawa. Sa ganitong paraan din malaki ang tsansa na maiwasan ang matinding traffic at makarating nang hindi pawisan o pagod sa ating mga destinasyon. (Sa Totoo Lang /ANN ESTERNON)

372

Related posts

Leave a Comment