DPA ni BERNARD TAGUINOD
KAPAG sinabihan ka ng “Mahiya ka naman sa balat mo” ay parang binigyan ka ng kausap mo ng mag-asawang sampal sa pingi mo at ang karaniwang sinasabihan ng ganitong kawikaan ay ‘yung mga taong nagsasamantala sa kapwa at kapangyarihan.
Ang kasabihang iyan ay nawala na sa karamihan sa mga Pinoy lalo na sa mga elected at appointed officials. Kung merong mang natitira ay mangilan-ngilan na lang na tulad ng mga hayop na extinct na o unti-unting nawawala na.
Pero sa Japan at Singapore ay uso pa ang kasabihang iyan dahil kapag may government official na inakusahang tumanggap ng suhol, hindi lamang mula sa kanilang sariling kababayan kundi maging sa mga dayuhang investors, ay agad na nagre-resign.
Tulad ng lamang ng kaso ng isang Transport Minister sa Singapore na inakusahang tumanggap ng $119,000 o P6.9 milyong suhol mula sa isang Malaysiang businessman na nagnenegosyo sa nasabing bansa, na napilitang mag-resign at agad kinasuhan.
Hindi pera ang tinanggap ha, kundi sa pamamagitan ng business class flights, luxury hotel stays, tickets sa F1 Grand Prix, English Premier League matches at West End musicals pero agad na kinasuhan, at dahil sa hiya sa sarili ay nag-resign siya.
Sa Japan naman, nag-resign ang kanilang Economy Minister dahil sa alegasyon na tumanggap ito ng suhol na nagkakahalaga ng $103,000 o katumbas ng P5.9 million mula sa isang construction company.
Kahit alegasyon pa lamang ay nag-resign na siya para hindi maapektuhan ang kanilang bansa, hindi mawala ang tiwala ng mga Hapon sa kanilang gobyerno at hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon.
Kung Prime Minister ng Japan o Singapore ang pinasaya sa Duran Duran band sa kanilang birthday, malamang ay hinihingi na ng kanilang mga kababayan ang kanilang ulo pero hindi ‘yan mangyayari sa Pinas.
Kahit pa kasi sabihin na hindi pera ng gobyerno ang isang milyong dolyar na bayad sa American band na ito para mag-perform sa “surprised birthday party” at mga kaibigan ng celebrant ang sumagot, ay eskandalo pa ‘yan sa Japan at Singapore dahil corruption na iyan.
Meron ding iba na malinaw ang kanilang kainutilan at hindi maipaliwanag ang paglustay sa pera ng bayan pero imbes na mahiya sa kanilang balat ay dina-divert ang isyu at nagpapaawa epek na kesyo pinagtutulungan siya dahil sa ambisyon sa pulitika.
‘Yung iba naman kapag nakukuwestiyon na ang kanilang yaman ay magwawala na sa social media at ayaw niyang gawin sa kanya ang mga ginawa niyang pambabalahura sa kapwa noong siya ay nasa poder pa.
Ilan lang ‘yan uri ng mga Pinoy na pinanawan na ng hiya sa sarili at balat na hindi mawawala hangga’t mismong ang mga botante ay hindi na rin nahihiya sa sariling balat kapag panahon ng eleksyon dahil inilalako ang kanilang boto.
67