CLICKBAIT ni JO BARLIZO
IDINEKLARA ng PAGASA noong Nobyembre 19 na simula na ang Amihan season, na magpapalamig sa temperatura sa bansa.
Maginaw na at amoy-Pasko na ang paligid.
Ayon sa PAGASA, ang naantalang pagdating ng panahon ng taglamig ay naging sanhi ng pagpasok ng mga bagyo sa hilagang bahagi ng bansa.
‘Di bale na raw huli basta brrr, brrr na ang atmosphere. Ang mahalaga ay andito na ang Reyna Amihan. Teka, hindi nagpahuli ang hari ng Malacañang. Sumabay sa reyna ng malamig na panahon, at pinagsabihan ang mga ahensya ng gobyerno na gawing simple at iwasan ang magarbong Christmas party ngayong holiday season.
Ito ay bilang pakikiisa sa milyon-milyong mamamayan na patuloy na nagdadalamhati sa kanilang mga mahal sa buhay na nawala, mga nawasak na ari-arian at nawalan ng kabuhayan sa pananalasa ng anim na bagyo sa loob ng halos isang buwan, ayon sa inilabas na kalatas ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
Ang matitipid daw sa party ay i-donate na lang sa mga komunidad na matinding nasalanta ng bagyo. Gayunpaman, sisiguruhin pa rin ng gobyerno na maagang mararamdaman ng mga nasalanta ng bagyo ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng tulong at relief goods, pagkumpuni sa mga nasirang istruktura at pagpapanumbalik sa kabuhayan. Naks!
Bawasan ang gastos at ang natipid ay i-donate. Wala munang bonggang Christmas party.
Utos ‘yan ng hari. Pero may patutsada ang mga netizen. Baka raw sa kabila ng panawagang simpleng selebrasyon sa mga opisina sa gobyerno ay may pasikretong party naman sa Palasyo at mga ahensyang hawak ng mga poderoso at binebeybi ng presidente.
Sabi nga nila, tatak na ng Marcos ang karangyaan at bonggang mga selebrasyon kaya sigurado ako na nakatutok ang mga mata ng mga netizen sa magiging pagdiriwang ng tanggapan ni BBM.
Heto naman ang gaya-gaya. Umapela rin si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara sa lahat ng pampublikong paaralan at mga opisina ng kagawaran sa buong bansa na gawing simple ang Christmas party, at hinikayat ang mga ito na gawing donasyon ang matitipid at maiipon sa mga pagdiriwang sa mga nasalantang komunidad.
Alinsunod aniya sa nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. Teka, hindi naman ata marangya ang Christmas party ng mga eskwelahan. Ewan ko sa mga opisina ng matataas na opisyal ng kagawaran. Pero sa mga eskuwelahan, parang ambagan ang nangyayari. Potluck ika nga. Magarbo na ba ang bitbit na spag, cola, kutsinta, kakanin at maliit na parisukat, kwadrado o bilog na keyk, pritong manok?
Pagkahawi ng mga unos, hayaan n’yo naman ang mga tao na magdiwang at maging happy sa buhay.
5