Manipesto ng Tristar hawak na ng BOC

RAPIDO NI PATRICK TULFO

NA-STRESS ang inyong lingkod noong nakaraang Lunes nang makatanggap kami ng mensahe mula sa MICT (Manila International Container Terminal) na hindi umano nabigyan ng clearance ng legal department ang pagre-release ng mga container na ipinadala ng Tag Cargo mula sa bansang Kuwait.

Ayon sa mensahe, hindi binigyan ng clearance na mailabas ang mga container hangga’t hindi nabubuksan ang nasa 11 containers na naglalaman ng nasa 200 na bagahe bawat isa. Ibig sabihin, matatagalan na naman ang paghihintay ng mga OFW bago makuha ang kanilang mga pinaghirapang balikbayan box.

Ang mga bagaheng ito ay ipinadala sa bansa mahigit isang taon na ang nakalipas matapos abandonahin ng Tag Cargo at hindi bayaran ang deconsolidator nila dito sa bansa na Tristar.

Nang tawagan ko ang kinatawan ng MICT, sinabi niyang wala kasi raw silang hawak na manipesto ng nasabing mga container kaya ito hindi mabigyan ng clearance.

Dahil dito, agad tayong nakipag-ugnayan sa Tristar upang bigyan ng kopya ng manipesto ang MICT. Ang nasabing mga manipesto ay naka-post naman sa aming website na Patricktulfo.com dahil sa masyadong mahaba ang listahan at hindi kayang ma-upload nang sabay-sabay.

Ngayong nabigyan na ng kopya ng manipesto ang MICT, umaasa tayong mapabibilis na ang prosesong ginagawa ng BOC para mailabas na ang mga container at makuha na ng mga may-ari nito.

Sa amin po sa Rapido, tulad ng nais ng BOC, hangad naming matapos na ang problemang ito sa mga bagahe ng Tag Cargo. Masyado na pong matagal ang pinaghintay ng mga OFW para makuha ang kanilang mga kahon kaya’t mas magandang pabilisin na ang proseso ng paglabas ng mga ito.

70

Related posts

Leave a Comment