MAPAMINSALANG BAGYONG KRISTINE AT LEON

At Your Service Ni Ka Francis

TUWING papalapit ang holiday seasons ay nakararanas ng malalakas na bagyo ang ating bansa.

Nitong nakaraang linggo lamang ay magkasunod na pumasok sa Area of Responsibility (AOR) ang dalawang malalakas na bagyo na sina Kristine at Leon.

Halos buong bansa ay binayo ng Bagyong Kristine na nag-iwan ng maraming pinsala sa buhay at mga ari-arian nating mga Pilipino.

Pangunahing napuruhan ng Bagyong Kristine ay ang Bicol Region na pati ang kanilang mga tulay, kalsada, kabahayan, gusali, pananim at kumitil pa ng buhay ng mga hayop at ng ating mga kababayan riyan sa nasabing lugar.

Milyun-milyong pisong halaga ang sinira ng Bagyong Kristine mula sa mga pananim at kabuhayan sa rehiyon ng Bicol.

Matagal-tagal na makababangon ang ating mga kababayan sa lugar na ito sa epekto ng nakaraang kalamidad.

Ang pagkakaalam natin ang ikinabubuhay ng ating mga kababayan sa Bicol ay ang pagtatanim at pangingisda.

Ngayon, dahil hinagupit sila ng Bagyong Kristine, paano na ang kanilang kabuhayan?

Hindi pa man sila nakababangon ay muli namang pumasok ang Bagyong Leon na ang pinakamatinding binayo ay ang isla ng Batanes.

Inabot ng hanggang Typhoon Signal Number 5 ang Bagyong Leon na nanalasa sa Batanes at kalapit nitong mga lugar.

Pinakahuling report na ating natanggap, umabot ng 249 siyudad at munisipalidad ang isinailalim sa state of calamity.

Pumalo sa 2.1 milyong pamilya o 8.6 milyong katao ang apektado ng pananalasa ng pinagsamang Bagyong Kristine at Super Typhoon Leon.

Sa report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) ang may pinakamaraming lugar na inilagay sa state of calamity na nasa mahigit sa 150.

Pangalawa ang Bicol Region, na may 84 lugar, at pangatlo ang Eastern Visayas na may 13.

Ang Bicol Region, partikular na ang Camarines Sur at Albay, ang grabeng napuruhan ng bagyong Kristine sanhi ng malalalim na pagbaha gayundin ang CALABARZON na nakapagtala ng landslide sa Talisay City, Batangas na ikinasawi ng 19 katao.

Ang Bicol ang may pinakamalaking bilang ng naapektuhang mga residente na nasa 721,885 pamilya o mahigit 3 milyong katao; Central Luzon na 331,849 pamilya o 1.09 milyon katao, at CALABARZON na 241,000 pamilya o 1.01M katao.

Umabot sa 146 ang nasawi kay Kristine, 91 nasugatan at 19 nawawala.

Ang pinsala sa imprastraktura ay P7,352,116,526.45 habang sa agrikultura ay umabot na sa P4,437,215,186.87, posible pa itong lumaki.

Naitala naman sa 178,747 kabahayan ang napinsala, 164,146 ang bahagyang nasira habang 14,601 ang tuluyang nawasak.

Ayon naman sa ulat din ng NDRRMC, nakapamahagi na ng P713.1 milyong halaga ng sari-saring ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektadong pamilya hanggang nitong Undas.

Sa mga panahon ng bermonths tayo nakararanas ng mga kalamidad na tulad ng bagyo, kinakailangan sa mga panahon na ito ay lagi tayong handa upang maibsan man lang ang tama nito sa atin.

Ang paghahandang ito ay dapat pangunahan ng mga opisyal ng mga ahensya ng gobyerno.

Taon-taon ay paulit-ulit natin itong nararanasan kaya dapat maaga pa lang ay maging handa na tayo bago pa man sumapit ang kalamidad nang hindi na kailangan pang may magbuwis ng buhay sa ating mga kababayan, at ang pinakamabisa ay sabayan natin ng pagdarasal sa Amang nasa langit para hindi tayo direktang tamaan ng mga bagyo.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 09178610106.

85

Related posts

Leave a Comment