MISTULANG maamong tupa at makatao si Senadora Cynthia Villar sa kanyang TV ads ngayong panahon ng eleksyon.
Ganoon din kung siya ay nagbibigay ng mga pahayag sa iba’t ibang isyu na itinatanong ng mga reporter sa kanya.
Ang totoo, nag-iingat na si Villar sa mga sasabihin niya sa media.
Noong isang taon ay halos malunod si Villar sa sobrang dami ng reaksyon ng mamamayan laban sa kanya.
Hindi nagustuhan ng mamamayan, lalo na ng mga mahihirap at pangkaraniwang tao, ang kanyang pagtutol sa konseptong “unli-rice” ng ilang food chain.
Idinikit pa noon ni Villar ang tahasang pagtutol niya sa konseptong unli-rice sa diabetes at pangangailangang mag-diet ng mga Filipino.
Walang pakialam ang mamamayan sa diabetes kung ang layunin ng unli-rice ay busugin ang kanilang sikmura sa murang halaga ng kanin.
Ang matinding galit ng mamamayan kay Senadora Cynthia Villar ay hindi nakalimutan ng mamamayan, lalo na ng mga mahihirap, sapagkat ang kanyang posisyon laban sa walang tigil na pagkain ng kanin ay pagbabawal sa kanila na makakain ng marami at pagpigil sa kanila na mabusog.
Ang pagkain ng maraming kanin sa mga food chain na nag-aalok ng unli-rice ay mistulang ginto para sa mga mahihirap na tao, sapagkat sa ganitong pagkakataon lamang sila makakain nang marami-rami.
Hinayaan ng pamahalaan na maliit lamang ang sahurin ng mga manggagawa kada buwan mula sa mga kapitalista.
Kaya, manipis ang kanilang badyet sa pagkain.
Tapos, ito namang si Villar ay haharangin pa ang unli-rice gayong ito lamang ang pagkakataon na makakain sila nang marami.
Ang kontra-mamamayang posisyon ni Villar ay hindi nakalimutan ng napakaraming tao hanggang ngayon.
At ang matinding galit ng mamamayan ay hindi maaaring pagtakpan ng pangiti-ngiti at pagpapa-cute sa kanyang TV ads o mga panayam sa kanya ng media.
Iba kasing usapan kapag sikmura ng mahihirap ang pipigilang mabusog, lalo na ng mga sobra-sobrang mayayamang politiko tulad ni Villar.
Hindi na nga nagawa ng pamahalaan na paunlarin at iangat ang kanilang buhay mula sa matinding kahirapan, tapos ipamumukha at isasampal ng isang Cynthia Villar sa kanila na huwag nilang tangkilikin ang unli-rice na inaalok ng ilang food chain.
Pihadong matinding galit ang mararamdaman ng mamamayan.
At tiyak hindi ito mawawala nang basta-basta. (Saliksik / NELSON S. BADILLA)
174