NAPAKAMAHAL ng presyo ng sibuyas hanggang ngayon.
Ang solusyon dito ng mga negosyante, ekonomista at mga opisyal ng Department of Agriculture (DA), partikular ang Bureau of Plant Industry (BPI), ay umangkat ng sibuyas mula sa mga katabing bansa.
Kapag maraming sibuyas sa palengke, siguradong matitigil ang pagtaas ng presyo ng sibuyas at mapabababa pa ang kasalukuyang presyo nito.
Iyan ay batay sa Law of Supply and Demand na pare-pareho nating pinag-aralan noong kolehiyo tayo.
Kahit nga ang mga tindera ng sibuyas ay ikinakatwiran ang nasabing batas ng galaw at balanse ng mga produkto sa palengke alinsunod sa kailangan ng mga tao tuwing tumataas ang presyo ng sibuyas.
Importanteng sangkap ang sibuyas sa pagluluto ng mga Filipino.
Isa ito sa mga ginagamit ng mga nagluluto upang maging malinamnam ang kakaining ulam ng bawat pamilya.
Nagdududa lang ako kung bakit madalas na hinaharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang inangkat ng mga negosyante na mga sibuyas.
Kadalasan, “misdeclaration” ang ikinakaso ng BOC dahil sa halip na puting sibuyas ang banggitin ng mga tauhan ng mga importer at ng kanilang Customs broker sa BOC, pulang sibuyas ang deklarasyon.
Sayang ang mga sibuyas na umaabot P10 milyon, o higit pa ang halaga, dahil hindi ito makalalabas sa mga teritoryo ng BOC.
Sa aking pagtatanong sa mga taong kabisado ang mundo ng importasyon ng sibuyas, nabanggit na mayroong korapsyon sa importasyon ng sibuyas.
Pokaragat na ‘yan!
Napakatindi raw ng korapsyon sa importasyon ng sibuyas, giit sa akin.
Matagal na raw nangyayari ‘yan.
Ang mga may pakana ng korapsyon ay ang mga korap sa DA at BPI.
Maliban d’yan, malaki raw ang ‘bayad’ at ‘padulas’ sa importation permit.
At kapag nakapasok na ang mga produktong agrikultural tulad ng sibuyas saanmang teritoryo ng BOC ay kung anu-ano ang ipinasisilip ng DA/BAI.
Pokaragat na ‘yan!
Ang kalakaran daw ay DPWH (‘Di Puwedeng Walang Hatag).
Kung totoo ito, napakasahol naman ng mga korap sa DA dahil mayroon nang korapsyon sa importasyon ng baboy na kinasasangkutan naman ng mga korap sa DA at Bureau of Animal Industry (BAI), tapos dito naman sa importasyon ng sibuyas.
Pokaragat na ‘yan!
Iyong mga korap lang ha, iyong mga masisiba nang husto sa pera ang binabanggit ko, kaya huwag kayong basta-basta magsasalita!
Mayroon umanong kumukuwestiyon mula sa DA/BPI hinggil sa pagpasok ng mga sibuyas sa bansa.
Kaya, sobrang higpit ng pagbusisi ng mga tauhan ng BOC upang siguradong wala umanong nilabag na batas, o anumang alituntunin, ang mga importer ng sibuyas.
Ang alam ko, isa ang DA sa mga unang kagawarang iniimbestigahan ng Task Force Against Corruption (TFAC) na pinamumunuan ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Ang imbestigasyon ay batay sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang malaman niya na palpak ang Presidential Anti-Crime Commission (PACC) mula kay Dante Jimenez hanggang kay Greco Belgica sa pag-iimbestiga laban sa katiwalian, korapsyon at pandarambong sa pamahalaan.
Ngunit, hanggang ngayon ay wala akong balita kung kasama sa mga inireklamo sa TFAC ang sinumang opisyal at kawani ng DA/BPI dahil sa korapsyon, partikular sa importasyon ng sibuyas.
Inanunsiyo kamakalawa ng beteranong senador na tatakbo sa halalan sa susunod na taon na sunud-sunod ang ilulunsad na imbestigasyon ng Senado ngayong pumasok na ito sa ikatlong sesyon laban sa mga korap na kagawaran.
DA ang isa sa puntirya ng mga senador.
oOo
CP: 09985650271 / Viber #: 09457016911
