MAY HIDDEN AGENDA BA ANG COMELEC?

KAMAKAILAN ay pumutok ang balita na naghain ng mandamus petition ang ­National Press Club (NPC) kasama ang dalawa pang grupo, sa Korte Suprema upang obligahin ang poll body na ilantad sa publiko ang mga preparasyon at hakbangin na ginagawa nito kaugnay ng nalalapit na halalan.

Hangarin ng petitioners na matiyak na nagagampanan ng Comelec nang tama at maayos ang tungkulin nito kaugnay ng darating na halalan sa Mayo 9.

Kaya naman suportado natin ang mandamus petition na inihain ni NPC president Paul Gutierrez kasama ang mga ­kinatawan ng Automated Election System Watch, at Guardians Brotherhood Inc., para obligahin ang Comelec na isapubliko ang mga ginagawa nila kaugnay ng darating na halalan.

Kahina-hinala naman kasi talaga ang ginagawang palihim na paghahanda ng Comelec at wala ring maayos na paliwanag si Comelec spokesman James Jimenez kaugnay nito.

“Surprisingly, the respondent Commission on Elections (Comelec) has proceeded and is continuously proceeding, to prepare for the upcoming elections in extreme secrecy… COMELEC’s refusal to be transparent in the conduct of the 2022 National and Local Election will cast doubt on the integrity of the results thereof and will cause political turmoil all to the detriment of the ­Filipino people,” saad sa petisyon.

Tungkulin ng Comelec na siguraduhin na transparent ang bawat proseso at hindi ito nababahiran ng anumang katiwalian para matiyak na malinis at tapat nilang ginagawa ang kanilang trabaho kaugnay ng darating na halalan.

Pero dahil sa ginagawa ni James at tropa niya na pagbalewala sa nasasaad sa Omnibus Election Code, nabubuo tuloy ang hinala ng marami na baka may hidden agenda ang mga taga Comelec.

Mas mahirap pa kung ang hidden agenda ay may ­kaugnayan sa magiging resulta ng halalan tulad ng nangyari noong 2016 na nagbigay-bahid sa kredibilidad ng poll body.

Kaya naman dapat gawin ng mga taga-Comelec ang lahat upang matiyak na transparent ang ginagawa nilang proseso katulad ng pag-iimprenta ng balota, configuration at ­testing ng SD Cards, vote counting machines (VCMs) at maging ng transmission diagrams.

Dahil kung patuloy silang maglilihim sa publiko ay tiyak na mabubuo ang hinala ng publiko na may niluluto silang maitim na plano na maaaring magresulta sa kaguluhan.
At kapag nangyari iyon ay walang ibang dapat sisihin kundi ang mga taga Comelec.

107

Related posts

Leave a Comment