MAY KASALANAN DIN ANG BROADCAST MEDIA

TULAD ng pangako ko, tatala­kayin natin kung bakit dapat sisihin din ang mga local broadcast media kung bakit hindi nababago ang lipunan at namamayagpag pa rin ang political dynasty sa ating mahal na bansa.

Kung merong maiingay sa fourth state, ito ay ang broadcast media. Kumpara sa print media, mas maraming oras ang mga broadcaster na magsalita kumpara sa mga nagsusulat sa mga dyaryo.

Limitado ang espasyo ng mga print journalist habang ang mga broadcasters, isang oras sila nagsasalita sa ere kaya lahat ng gusto nilang sabihin ay nasasabi nila at marami sa kanila ang napapakinggan sa buong bansa.

Sila rin ang maiingay kapag ang political dynasty ang pag-­uusapan. Walang sinuman sa kanila ang pabor sa political dynasty at gusto nila mapalitan ang kalakaran dahil sa katuwirang hindi family business ang pulitika.

May tama naman sila pero ang problema, isa sila sa mga dahilan kung bakit walang pagbabago sa sistema ng pulitika sa bansa? Papaano? Dahil sa kanilang masyadong mahal na political advertisement.

Walang ordinaryong pulitiko ang kayang maglagay ng political ads sa kanilang istasyon dahil ­sobrang mahal. Hindi kakayanin ng ordinaryong pulitiko ang rate ng political ads sa broadcast media.

Sa radyo pa lamang, ang 30 seconds spot ay P16,000 na ang halaga at ‘yung iba naman, P1,200 per seconds at kapag gusto mo naman ang magpa-ads sa telebisyon, ang rate ay mula P420,000 hanggang P646,000 per 30 seconds.

Discounted na “yan ha. Mas mataas kasi kapag produkto ang ina-advertise dahil naglalaro daw ng mahigit P900,000 hanggang P1.4 million per 30 seconds depende sa oras na ieere ang ads mo.

Ang positibong epekto naman daw nito sa mga kandidato ay maganda dahil nako-convert daw ng 77% sa boto ang political ads mo lalo na sa TV pero ang problema, tanging mayayamang kandidato lang ang may kakayahang magbayad ng political ads sa broadcast media.

Kung talagang gusto ng mga may-ari ng mga broadcast media na mabago ang lipunan at mabuwag ang political dynasty sa bansa at mabigyan ng pagkakataon ang mga baguhan na pumasok sa public service, bakit hindi nila unahin sa kanilang sarili?

Subukan kaya nila na ibaba ang kanilang rate o kaya bigyan ng mas malaking discount ang mahihirap na mga kandidato dahil malabong ilibre ang mga mahihirap dahil baka sabihin na may pinapaboran sila at malabong mangyari na ililibre ng mga may-ari ng broadcast media ang mga kandidato.

Hanggang hindi fair ang playing field sa political ads, hindi magbabago ang lipunan at patuloy na mamamayagpag ang mapeperang mga pulitiko at pare-parehong pangalan lang ang uupo sa gobyerno kasama na ang Senado.

Kaya kung gusto ng mga broadcast media na pawang mga pribado, ng pagbabago simulan nila sa kanilang sariling bakuran pero hangga’t ayaw nilang pakawalan ang bilyones na kinikita nila tuwing eleksyon, walang mababago sa ating bansa.

112

Related posts

Leave a Comment