Kamakailan ay naging viral ang isang video ni American Youtube singing sensation David Dimuzio na nagrereklamo dahil sa palpak na timbangan sa check-in counter ng Philippine Airlines (PAL) na siyang flag carrier ng ating bansa.
Sa mga hindi nakaaalam, nakilala itong si Dimuzio sa Youtube dahil sa husay nito sa pagkanta at lalo pang minahal ito ng kanyang mga Pinoy fans dahil sa kanyang mga Pinoy songs.
Dahil sa laki ng fan base ni Dimuzio sa Pinas ay pabalik-balik ito sa ating bansa upang mag-perform at gumawa ng kanyang mga music video.
Ngunit nitong mga nakalipas na araw ay sa halip na bagong awiting Pinoy ni Dimuzio ay ang kalokohang ginagawa ng PAL ang pinagpiyestahan ng kanyang mga fans.
Ayon sa kwento ni Dimuzio, pilit na pinapabawasan ng tauhan ng PAL ang laman ng kanyang check-in bag dahil sobra umano ng 14 kilos. Batay kasi sa polisiya ng PAL ay kailangan mong magbayad ng excess baggage fee kapag sobra ito sa binayaran mong extra baggage.
Laking pagtataka ni Dimuzio kung paanong sumobra sa timbang ang kanyang bagahe samantalang hindi naman nangyayari ito sa iba pa niyang mga biyahe. Dahil dito, nagpasya si Dimuzio na gumamit ng ibang timbangan at doon niya nalaman na kulang pa pala ng apat na kilo ang kanyang bagahe.
In short, lumalabas na may daya ang ginagamit na timbangan ng PAL. Sobrang nakahihiya ito lalo pa’t isang sikat na dayuhan pa ang nagbunyag sa kalokohan ng PAL.
Sa totoo lang ay matagal na talagang puro kahihiyan ang idinudulot ng PAL sa ating bansa samantalang ito ang ating flag carrier. Napakaraming reklamo sa PAL dahil sa palpak nitong serbisyo at walang modong mga staff samantalang ito ang pinakamahal maningil sa ating local airlines.
Ang mas matindi pa ay kinain na ng yabang ang nangangasiwa sa public relations arm nito samantalang alam naman natin kung saan ito nagmula bilang isang mamamahayag. Sa sobrang yabang ay pawang mga nasa TV at mga nasa broadsheet lang na pahayagan ang kinilala nito.
At dahil sa puro kahihiyan at kapalpakan ang dulot sa atin ng PAL, mas maganda siguro na palitan na ito ng pangalan at tanggalin na rin ang bandila natin sa kanilang mga eroplano. (Bagwis / GIL BUGAOISAN)
209