MAY NAMUMUONG HIDWAAN SA DENR?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ISA sa pinakamahalagang tanggapan ng pamahalaan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR). Ipinamalas ng kagawaran ang bangis kontra sa mga pabrikang may ambag sa polusyon, bagsik kontra sa mga ganid na negosyanteng sumisira sa kagubatan, ilegal na pagmimina at iba pang mapaminsalang aktibidad.

Ang malawak na saklaw ng mandato ng naturang kagawaran, ay hindi limitado sa pagsupil sa mga sumisira sa kalikasan. Parte ng mandato ng kagawaran ang pagsusulong ng wastong paggamit ng likas na yaman.

Noong umupo si Maria Antonia Yulo-Loyzaga bilang Kalihim, marami ang nagduda kung angkop ang paghirang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanya.

Kasi, may conflict of interests sa pagitan ng nakaatang na mandato at ang interes ng pamilyang nagmamay-ari ng malawak na hasyenda sa mga bayan ng Coron at Busuanga kung saan patuloy ang pakikipaglaban ng mga magbubukid na benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Kamakailan lang, may natalisod tayong usap-usapan na may namumuong hidwaan sa pagitan ni Yulo at ng ilang Undersecretary, Assistant Secretary at maging regional directors. Feeling prinsesa na umano ang DENR chief. Kulang na lang utusan silang magtimpla ng kape o magbitbit ng bagahe sa kanyang sangkatutak na biyahe.

Career officials, utos-utusan lang?

Baka nga intriga lang ito, hindi pag-aakusa.

Nang lumabas ang balita hinggil sa napipintong paggisa sa kanya ng Kamara kaugnay ng resolusyon ng Manila Regional Trial Court na nagtatalaga sa kanya bilang ‘executor’ ng 40,000 ektaryang Yulo King Ranch sa Palawan ay lalo pa umanong naging sumpungin ang hasyendera.

Batid marahil ni Yulo-Loyzaga na nahaharap siya sa isang malaking problema, kaya naman nagpasaklolo sa Presidential Communications Office para salagin ang kontrobersiya.

Tama nga naman si Yulo-Loyzaga na protektahan ang interes ng pamilya, subalit hindi akmang gamitin ng Kalihim ang kanyang pwesto sa gobyerno.

Isa lang ang dapat piliin ni Yulo-Loyzaga – mandato ng departamento o protektahan ang kanilang rancho?

Hindi pwedeng piliin ang isa, pero bitbit o kipkip pa rin ang pangalawa?

81

Related posts

Leave a Comment