RAPIDO NI PATRICK TULFO
PEKE raw ang immigration stamp na ginamit sa passport ng isa sa mga kababayan natin na muntik nang maging biktima ng human trafficking, sa imbestigasyon na ginagawa ngayon ng Senado sa alegasyon ng human trafficking sa bansang Myanmar. Ito ay ayon mismo kay Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval.
Muling nadawit ang BI sa mainit na isyung ito matapos ang testimonya ng isa sa mga biktima nang sabihin nito na may tatak na ang kanyang passport mula Immigration nang ibalik ito sa kanya.
Nadawit din sa issue ang Manila International Airport Authority dahil sa testimonya rin ng mga naging biktima. Sinabi ng mga ito na nakakuha sila ng “Access pass” para makapasok sa entrance ng mga empleyado at concessionaires sa airport.
Ayon sa aming kasamang si Tony Gildo, na naka-assign para i-cover ang NAIA, peke rin daw ang “access pass’ na nakumpiska ng airport authorities nang maharang nito ang ilang biktima na sana ay paalis na sa bansa.
Hindi nagtatapos ang isyung ito sa pahayag ng Bureau of Immigration at Manila International Airport Authority na mga peke ang tatak at ID, bagkus ito dapat ang simula ng mas malalim na imbestigasyon upang matukoy kung sinu-sino ba ang mga nasa likod nito.
***
Sa darating na Sabado na ang deadline na sinabi ng Bureau of Customs sa pagkuha ng mga may-ari ng balikbayan boxes na inabandona ng Allwin Cargo sa warehouse diyan sa Balagtas, Bulacan.
At habang papalapit ang deadline ay dinadagsa naman kami ng mga sumbong ukol dito at isa na rito ay may kinalaman sa delivery ng mga kahon sa malalayong lugar sa Visayas at Mindanao na hindi na daw mangyayari. Ito po ay pinabulaanan ni BOC Dir. Michael Fermin at sinabing ang claimants ng kahon ay dapat sa website at social media accounts lang ng BOC tumingin para hindi malito. Muli nitong idiniin sa huling panayam ko sa kanya sa aking programa sa DZME 1530khz na lahat ng kahon na hindi makukuha ay kanilang idedeliver nang walang bayad.
Pero hindi lang yan ang isyu kasama rin dito ang mga nawawalang kahon, mga bukas o sirang kahon na kulang na ang mga laman. Sa pinakahuling panayam natin kay BOC spokesman Arnold Dela Torre, sinabi nito na pwedeng magsampa ng reklamo sa kanilang ahensiya sa pamamagitan ng boc.cares@customs.gov.ph upang maaksyunan.
