Ayon sa dating Pangalawang Kalihim ng pagsasaka noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na si Ernesto Ordoñez, lumaki na raw nang todo ang pagkalugi ng mga magsasaka ng niyog dahil daw sumobra na ang bagsak ng presyo nito dahil sa pagbagsak ng presyo ng mantikang galing sa niyog sa pandaigdigang merkado.
Halos 95 porsyento kasi ng mga itinatanim na niyog sa ating bansa eh ginagawang mantika na ibinebenta sa Pilipinas at sa ibang bansa. Ang Pilipinas daw ang may pinakamalaking produksyon ng niyog para sa paggawa ng mantika, ayon sa mga pag-aaral.
Ngunit nitong mga nakaraang dekada ay naging malaki ang problema sa kita ng mga magniniyog, at karamihan sa kanila ay nalulugi na lalo pang pinalala ng pinatupad na land reform na hinati-hati ang mga lupaing tinataniman ng niyog at nagkanya-kanya ang mga magsasaka sa paghahanap ng pambayad sa kanilang pagsasaka ng kanilang niyog at pagdadala sa mga oil mills na ginagawang copra at mantika ang kanilang niyog.
Nitong mga nakaraang taon ay bumaba rin sa pandaigdigang merkado ang presyo ng niyog dahil sa pagdami ng supply ng mantika galing sa ibang tanim gaya ng mais at iba pang gulay. Bukod sa asukal na nakukuha sa mga mais at iba pang gulay ay mayroon pang langis na sinasabi ng mga siyentipiko na mas masustansya kesa sa mantikang galing sa niyog o sa anahaw o nipa o palm sa Ingles.
Pero ang pinakamalaking kakompetensya ng mantikang galing sa niyog ay ang palm oil, lalo na ‘yung galing sa mga plantasyon sa mga kapitbahay nating mga bansang Muslim gaya ng Malaysia at Indonesia, pati na rin sa Thailand. May mga itinatayo na ring mga plantasyon sa Mindanao para sa palm oil production, kaya maski sa sariling bansa natin ay malaki na rin ang kompetisyon sa mga magsasaka ng niyog.
Kaya isang magandang balita ang pinalabas ni Agriculture Secretary Manny Piñol na simula sa Hulyo ng taong ito ay pwede nang ibenta sa Amerika ang buko para sa inumin, imbes na niyog na copra para sa mantika.
Mas mataas ang presyo ng buko para sa inumin kaysa sa ordinaryong niyog. Kaya itong ibenta ng P20 kada piraso samantalang ang niyog na copra ay may halaga lamang na P10. Para sa mga interesadong magsasaka, kontakin na ninyo agad ang inyong regional office ng Department of Agriculture sa inyong lugar para hindi kayo mabukulan sa young coconut exports sa Amerika. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)
141