MGA SCAMMER HINDI NAYANIG SA SIM REGISTRATION

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

PATULOY sa pagtaas ang kaso ng online scam sa kabila ng pagkukumahog noon ng gobyerno na magparehistro ang lahat ng SIM subscribers.

Sabi mismo ng PNP-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), ang online scams ang nangunguna sa top 10 cybercrime cases ng PNP ngayon.

Maliwanag na palpak ang gobyerno at telecom companies.

Nagbigay pa sila ng ultimatum para magrehistro ng mga SIM ‘yun pala hindi rin nila matatapos ang problema.

Ngayon ay humihiling na rin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng P300 million na confidential funds para sa susunod na taon para daw labanan ang scams.

Ang problemang ‘yan ang dahilan kaya ginawang batas ang SIM registration pero mukhang nag-aksaya lang ng pera ng taumbayan.

Parang inamin na rin ng ahensiya na palpak ang SIM card registration.

Ano ba ang nangyayari sa administrasyon ngayon at usong-uso ang paghingi ng mga ahensya ng confidential funds?

Gagawa ng solusyon sa problema o kaya gagawa ng problema at ang gagamiting sangkalan ay confi funds.

Sobra na ang pagkahumaling ng ilang ahensiya sa sikretong pondo kaya tumitindi rin ang hinala ng taumbayan kung saan ba talaga ito gagamitin.

Kaya ba gaya-gaya ang nangyayari dahil may kabuhayan sa CIF?

Bakit kasi ayaw ipaubaya ang trabaho sa may mandatong magsagawa ng intelligence at surveillance. Ang mga ahensya tulad ng NICA, PNP, AFP, NBI at iba pang nakatoka sa pagmamanman at pagtipon ng intelligence ang dapat kargahan ng dagdag-CIF.

Kanya-kanyang amot ng CIF gayong puwede namang gawing sentralisado ang mga ahensya na nakatalaga sa intelligence at surveillance.

Ang paghingi ba ng DICT ng intel funds ay produkto ng walang kwentang implementasyon ng SIM registration?

Speaking of CIF. Nalaglag na naman sa upuan ang taumbayan dahil iyong P125 milyon na pinasa sa tanggapan ni VP Sara mula sa opisina ni Pangulong Bongbong Marcos ay labing isang araw lang pala naubos at hindi 19 days tulad ng naunang pagtaya ng ilang mambabatas.

Sabi ni Gabriela Rep. Arlene Brosas, nangangahulugan ito na P11.364M per day ang gastos ni Madam VP.

Kantyaw tuloy ng netizens “merry season of December 2022” ang peg ni Sara Duterte.

Gusto rin nilang i-nominate sa Guinness Book of World Records ang bise presidente sa pabilisan ng pag-ubos ng pera.

Mukhang tinatablan sa batikos ang mga nasa gobyerno dahil hindi tinatantanan ng netizens na sukang-suka na sa korapsyon.

Ayan at mismong ang tagapagtanggol ng CIF ni Duterte na si Marikina Rep. Estella Quimbo ang nagpanukala sa Kamara na magtatag ng “special oversight committee” para mabusisi raw ang paggamit ng confidential and intelligence funds (CIFs) ng mga ahensya ng gobyerno.

Sana nga ay totoong pagbusisi ang kanilang gagawin at hindi palabas lang gaya ng karaniwang nangyayari kapag gusto lang umepal ng politiko.

50

Related posts

Leave a Comment