MID-TERM ELECTION APEKTADO

DPA ni BERNARD TAGUINOD

HINDI malayong maapektuhan ang mid-term election sa May 2025 kapag nagdesisyon ang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na tuluyang i-impeach si Vice President Sara Duterte.

Sa kaso ni dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona, in-impeach siya sa Kamara ng 188 sa 285 na miyembro ng Kapulungan noong Disyembre 11, 2011 at sinimulan ng Impeachment Court ang paglilitis noong Enero 16, 2012.

Nasentensyahan ng guilty si Corona noong Mayo 29, 2012 kaya mahigit apat na buwan na nilitis ng Impeachment Court o ng Senado ang dating punong mahistrado bago iginawad ang parusang pagpapatanggal sa kanya bilang chief justice ng Korte Suprema.

Sakaling ma-short cut ang impeachment proceedings laban kay Duterte sa Kamara sa pamamagitan ng pagpirma ng 1/3 sa House members sa impeachment articles, malamang sa Enero 2025 na sisimulan ang paglilitis sa pangalawang pangulo.

Ang problema, magsisimula ang campaign period sa Pebrero 11, 2024 at imposibleng matapos ng Impeachment Court ang paglilitis sa loob ng isang buwan dahil inaasahan na magbabakbakan ang magkabilang kampo niyan.

Malamang sa malamang ay aabutin din ng apat na buwan o higit pa bago magdesisyon ang Impeachment Court kung guilty o hindi guilty si Inday Sara sa mga kasong isinampa sa kanya tulad ng betrayal of public trust, culpable violation of the constitution, bribery, graft and corruption and other crimes.

Kaya masasagasaan ang mid-term election sa ayaw at sa gusto natin lahat. Hindi kasi katulad noong panahon ni Corona na hindi election year noong siya ay ma-impeach dahil sa kasong may kinalaman sa pagsisinungaling sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).

Sakali naman na daraan sa regular na proseso ang impeachment case sa Kamara kapag hindi makakuha ng 1/3 votes, 60 session days naman ang guguguling panahon ng Kongreso para imbestigahan ang mga kasong isinampa laban sa Bise Presidente.

Kada buwan, 12 session days lang meron ang Kongreso kaya mangangailangan sila ng 5 buwan para tapusin ang imbestigasyon at maglabas ng resolusyon bago pagbotohan ito sa plenaryo ng Kamara at kapag umabot sa majority ang bumoto nang pabor sa impeachment ay iaakyat ito sa Impeachment Court, at kapag hindi makakuha ng sapat na boto ay ibabasura sa Kamara pa lamang, ang kaso.

Ang problema, magbabakasyon ang Kongreso mula Disyembre 21, 2024 na magtatagal hanggang Enero 12, 2025. Babalik sila ng Enero 13 at muling magbi-break sa Pebrero 8, 2025 para sila ay mangampanya at ang balik nila ay sa Hunyo 2, 2025 na.

So, 16 session days lang meron ang Kongreso sa Enero hanggang Pebrero at kung isasama mo ang natitirang 13 session days ngayong 2024, magiging 28 session days lang kaya kulang talaga ng panahon.

Ang nakikita ko dyan, pabor ‘yan sa mga kandidato na hindi kasama sa grupo ni Marcos o ni Duterte dahil makapangangampanya sila nang malaya pero ang mga kandidato ng dalawang grupong ito, dehado.

15

Related posts

Leave a Comment