MINALTRATO NG 2 AMO

AKO OFW

Unang dumating ang kabayani nating OFW na si Alecia sa Saudi Arabia noong Agosto 2018 nang paalisin ng agency na JTC International Manpower services Inc. dito sa Pilipinas.

Subalit wala pa itong isang buwan na helper ay dumanas agad ng pagmamaltrato sa poder ng employer na si Hoda Saleh Mohammad Al-Sahrani. Ibinubuhos sa kanya ang mainit na kanin at kumpiskado rin ang cellphone niya. May sandaling hindi rin siya pinapakain.

Mula 5 am hanggang 2 am ng susunod na araw kung siya’y magtrabaho.

Nakalipat man ng ikalawang employer sa A Alarfaj family ay kalbaryo rin ang kanyang dinaranas dahil gusto naman siyang ibenta para maibalik ang pera nito (ikalawang amo) makaraang mamatay ang inalagaan niyang matanda.

Nang malaman ng host agency na may hawak kay Alecia sa Saudi Arabia na Afaq Shark Recruitment Office ay tinawagan ito at inihatid sa bahay ng isang Mr. Fahad na manager umano ng agency.

Pero nang sabihin nitong gusto na niyang umuwi sa Pilipinas dahil hindi na niya kayang magtrabaho dahil sa sakit na hemorrhoid ay sinabi ng agency at ni Mr. Fahad na hindi siya pwedeng umuwi dahil hindi pa tapos ang kontrata at wala siyang exit visa sa kabila ng halos isang taon na pagtatrabaho at pagpapasailalim sa medikal. Ipapagamot umano ito sa sakit niya pero sa pera ng ikatlong employer.

Kaya kailangan umano nitong magtrabaho sa ikatlong employer.

Maging ang asawa ni Mr. Fahad ay malupit sa kanya. Pinalo na siya nito ng mop nang hindi agad siya bumangon sa higaan dahil sa hemorrhoid.

Hindi naman naniwala si Mr. Fahad nang magsumbong si Alecia.

Ang hiling ng kawawa nating kabayani ay kunin na siya sa bahay ni Mr. Fahad. Natatakot na siya sa kanyang kalagayan kaya gusto na niyang umuwi sa Pilipinas bago pa mahuli ang lahat.  (Ako OFW / Dr. Chie Umandap)

173

Related posts

Leave a Comment