MODERNONG SISTEMA NG RAIL SA BANSA, TAYO’Y MANIWALA AT MAGTIWALA

SA GANANG AKIN

Unti-unti nang naisasakatuparan ng kasalukuyang administrasyon ang kanilang pangakong solusyon sa problema sa transportasyon ng a­ting bansa. Ayon sa mga balita, tuluy-tuloy din ang pag-andar ng iba pang imprastrakturang pang-transportasyon gaya ng NLEX-SLEX Connector Road at ng Manila Harbour Link.

Ayon sa Japan International Cooperation Agency (JICA), kung walang gagawing aksyon ang gobyerno, tinatayang aabot sa P6 bil­yon kada araw ang gastos ng bansa sa transportasyon pagdating ng taong 2030. Ang mga manggagawang Filipino na kumikita ng minimum wage ang pinakatatamaan kung ang pagsikip ng mga daan sa Metro Manila ay magtutuluy-tuloy hanggang 2030.

Lumabas din sa pag-aaral ng JICA na hindi bababa sa 20% ng kabuuang kita ng mga mahihirap na pamilya sa bansa ang napupunta sa transportasyon.

Sa 50 na proyektong pang-imprastraktura ng kasalukuyang administras­yon, 28 ay ukol sa transportasyon.

Noong Mayo may anunsyo sa progreso ukol sa mga proyektong pang-transportasyon. Sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, inuumpisahan na ito ng Department of Transportation (DOTr).

Isang magandang ba­lita na malamang na matapos ang pagkaantala ng proyekto dahil sa mga isyu ng regulasyon at problema sa pagkuha ng right of way, ang DOTr at ang operator ng LRT-1, ang Light Rail Manila Corp. (LRMC), ay opisyal nang inumpisahan ang proyektong magpapahaba sa LRT-1 mula Baclaran hanggang Bacoor, Cavite.

Ang mga mananakay na higit na makikinabang dito ay mga taga-Las Piñas, Pa­rañaque, at Cavite.

Ang mga proyektong ito ay LRT-1 Cavite Extension, Unified Common Station, MRT-7, Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway System, at Philippine National Railways (PNR) South Long Haul.

Nakikipagtulungan din ang DOTr sa D.M. Consunji Inc. (DMCI) at sa Japanese partner nito na Taisei Corp. upang masimulan na ang ikalawang bahagi ng 38-km Philippine National Railways (PNR) Clark Phase 1. Pagdudugtungin ng proyektong ito ang Tutuban, Manila at ang Malolos, Bulacan. Kapag natapos ito, aabot sa 300,000 katao ang maseserbisyuhan kada araw. Paiikliin ang biyahe mula isa’t kalahating oras na magiging 35 minuto na lamang.

Kabilang sa proyektong pang-imprastraktura na “Build, Build, Build” ang North-South Commuter Railway (NSCR).

Inaprubahan ng Asian Development Bank ang $2.75 bilyong pasilidad para sa pondo ng Malolos-Clark Railway Project na sasaklaw sa dalawang seksyon ng NSCR. Sa ilalim ng pasilidad na ito, $1.3 bilyon ang ilalaan dito.

Sa proyektong ito, tinatayang 342,000 pasahero kada araw na bibiyahe sa rutang Manila-Clark. Humigit kumulang 696,000 pasahero kada araw na bi­biyahe sa Calamba pagsapit ng 2025. Iikli ang biyahe papunta sa Clark. Sa 2022, tinatayang mag-uumpisa ng bahagya ang operasyon ng nasabing proyekto.

Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Patuloy tayong maniwala at magtiwala – maniwala na mayroon pang pag-asa ang ating bansa at magtiwala sa ating gobyerno na ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang maibsan ang ating kinakaharap na problema sa transportasyon. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

114

Related posts

Leave a Comment