MULI PANG TATAAS ANG PRESYO NG BILIHIN

KAKAMPI MO ANG BAYAN FINAL

Ipinagmamalaki ng Malacañang ang pagbaba ng inflation rate sa 4.4% mula sa antas nito noong Dis­yembre 2018 na 5.6%.

Ang inflation ay ang kwentada ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Bumaba ang inflation, pero dapat ba magdiwang sa balitang ito?

Una sa lahat, ang 4.4% na inflation rate ay napakataas pa rin. Noong Enero 2018, noong unang ipinatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), ang inflation ay nasa 4% lamang. Sa panahong ito umaaray na ang taumbayan sa presyo ng bilihin at serbisyo. Katunayan, ang bawat pagtaas ng presyo ay masakit sa bulsa ng mamamayan, lalo na ng mahihirap.

Pangalawa, ang totoo, tataas muli ang presyo ng bilihin. Ang pagpapatupad ng ikalawang yugto ng TRAIN Law ng administrasyong Duterte ay magdadagdag na naman ng buwis sa produktong petrolyo.

Nangyari na noong nakaraang taon ang hindi maampat na pagtaas ng presyo matapos patawan ng dagdag buwis ang petrolyo. Ang lahat ng bilihin mula gulay sa palengke hanggang sa damit sa ukay-ukay ay apektado ng pagtaas nito, dahil ang lahat ng ito ay gagamit ng petrolyo sa transportasyon man o produksyon.

Hinihimok ng Bayan Muna ang gobyerno na itigil ang pagpapatupad ng TRAIN dahil ito ay dagdag pahirap sa mamamayan. Gayundin, sana ay paboran ng Korte Suprema ang kasong inihain ng Bayan Muna na nagsasabing unconstitutional ang TRAIN. Katwiran natin, ito ay labag sa Saligang Batas na nagsasaad na ang pagbubuwis ay dapat progresibo, o ayon sa laki ng kita. Sa TRAIN Law, walang pinipili ang taas-presyo, kahit mas kaunti ang kakayanan ng mahihirap na bumili.

Samantala, ang pinakamabilis na maaaring magawa ng pamahalaan ay isuspendi ang pagpataw ng excise tax sa petrolyo, bago pa muling sumirit ang presyo ng bilihin.

Ibasura ang TRAIN!  (KAKAMPI MO ANG BAYAN /  CARLOS ISAGANI ZARATE)

200

Related posts

Leave a Comment