NAGDESISYON NA ANG BAYAN

HABANG isinusulat ko ito, hindi kalayuan sa isang school sa Cagayan kung saan ako bumoboto, napakarami nang tao ang nakapila sa gate para makapasok at makaboto.

Alam ko, pag-alis na ng mga tao sa kanilang bahay para tuparin ang kanilang obligasyon sa bayan ay meron na silang desisyon kung sino ang mga lider na nais nilang mamuno sa kanila sa loob ng tatlo hanggang anim na taon.

Nagdedesisyon ang bayan kung sinong mga senador ang kanilang gustong maluklok sa senado sa loob ng anim na taon at inaantay na lang natin ang resulta kung sino ang mga papalaring kandidato sa senado.

Pag-alis pa lang ng mga tao sa kanilang bahay para bumoto ay meron na rin silang desisyon kung sino sa mga kandidato sa pagka-gobernador at mga bokal ang kanilang iluklok sa kanilang probinsya.

Kasama sa mga ­dine­sisyunan ng bayan ay kung sino ang nais nilang maging kinatawan nila sa Kongreso sa kani-kanilang distrito, sinong mayor at vice mayor ang gusto nilang mamuno sa kanila sa kanilang bayan at siyudad at sino ang mga kinatawan nila sa konseho.

Nakalimutan na ng mga tao ‘yung away, bastusan ng mga supporter ng mga kandidato at higit sa lahat ‘yung mga alegasyon ng bilihan ng boto at last two minutes na gapangan.

Pero ang pinaka-importanteng desisyon ng sambayanang Filipino ay kung sino ang gusto nilang pangulo at pangalawang pangulo na mamumuno sa kanila sa loob ng susunod na 6 na taon o mula sa Hunyo 30, 2022 hanggang Hunyo 30, 2028.

Simula pa lamang ng kampanya, may desisyon na ang mga tao kung sino ang nais nilang magpatakbo sa ating bansa lalo na ngayong baon sa utang ang ating gobyerno.

‘Yung mga kampanya na naging dahilan ng pagkawatak-watak ng bayan, ‘yung mga political advertisement, ‘yung mga away ng mga supporter, ay icing na lang kung baga sa political arena.

Meron na kasing desisyon ang mga tao noon pa man at kung meron mang nagpalit ng isip at naimpluwensyahan sa mga away-away ng kampo ng mga pulitiko ay hindi ganun karami.

Sa mga siyudad lang nangyayari ang giyera ng mga kandidato at mga supporter nila, mainit ang pulitika ng national candidates pero sa mga probinsya, may desisyon na sila noon pa kung sino ang nais nilang maging pangulo at pangalawang pangulo.

Ang karaniwang binabantayan ng mga tao sa probinsya ay ang local politics, mula governor, congressman at mayor. Diyan lang nababago ang kanilang desisyon pero sa presidential at vice presidential election, matagal na silang nagdesisyon at kahapon nga, inimplementa na nila ang kanilang desisyon.

Ilang oras na lang ay siguradong malalaman na natin kung sino ang magiging pangulo ng bansa dahil hindi naman mano-mano ang bilangan tulad noong unang panahon.

Sana pagkatapos ­nating malaman ang resulta ng halalan, magkaisa na tayong lahat para sa bayan. Walang ­mangyayari sa ating bansa kung tatlo hanggang anim na taon tayong magkawatak-watak.

90

Related posts

Leave a Comment