NAGKAKAGATAN NA SA UNITEAM

CLICKBAIT

PAGKARAMI-RAMI nang teorya, opinyon at mga kwentong naglabasan kaugnay sa drama sa Kamara.

Ang malinaw ay may giriang nangyari dahil sa kani-kanilang ambisyon sa pulitika.

Nagpapakiramdaman pa sila sa mababang kapulungan. Mahirap nga namang tumaya nang ganito kaaga, alam naman nating mga sigurista sila.

Silang mga ipinangalandakan ang pagkakaisa noong panahon ng kampanya, ngayon nagkakagatan na. Basag na ang UniTeam.

Natunugan daw ni Speaker Martin Romualdez ang pag-iikot ni Rep. Gloria Arroyo para mangalap ng mga susuporta sa planong pagpapatalsik sa kanya, kaya naman biglaan ding sinipa bilang senior deputy speaker si ‘aleng maliit’.

Pero nag-ugat naman daw ang paggalaw ni Arroyo nang ‘maamoy’ na magpipresidente sa 2028 si Romualdez taliwas sa naunang plano na si Sara Duterte ang susuportahan nila.

Nakakapraning talaga ang pulitika sa Pilipinas.

Mag-iisang taon pa lamang ang administrasyon na ito pero puro pulitika na ang pinagkakaabalahan ng mga halal na lider ng mga Pilipino.

Sakit na ito ng mga politiko sa bansa kaya hindi napabuti ang serbisyo sa bayan.

Habang nag-aaway-away sila at naggugrupo-grupo para palakasin ang kanilang pwersa sa mga susunod na halalan, ang taumbayan hilahod na sa hirap.

Hindi pa rin P20 ang kada kilo ng bigas, napakamahal pa rin ng asukal, ng sibuyas, at napipinto pang kapusin sa suplay kaya ipoporma na naman ang importasyon na pinagkakakitaan ng mga sindikato.

May problema sa suplay ng kuryente. Umiiyak pa rin ang mga manggagawa sa liit ng sweldo.

Kailan kaya sisingilin ng tao ang mga ibinoto nila na hindi nagtatrabaho?

Bakit bubuhayin?

Nararamdaman at patuloy na mararanasan ang hindi magandang epekto ng kawalan ng pinuno na buong oras ang inilalaan sa pangangasiwa sa Department of Agriculture (DA). Apektado ang lahat, mula sa mga magsasaka na binabata ang mataas na gastos sa paglilinang ng lupa, hanggang sa mga konsyumer na lunod na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto.

Wala atang planong bunutin ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pamamahala sa DA dahil sa iba pang intensyon.

Ngayon, balak niyang buhayin ang Philippine Sugar Corp. (PHILSUCOR), na inabolis ng administrasyon ni Duterte. Tila dumidistansya na siya sa anino ni Duterte. Maganda sanang tingnan, ngunit ang lumilitaw ay replika ito ng ginawa ng kanyang ama noong Martial Law.

Ano ba ang epekto ng Philsucor noong panahon ni Macoy sa taumbayan, higit sa mga umaasa ng ikabubuhay sa industriya ng asukal?

Teka muna, ‘di ba nais ni Marcos Jr. ng rightsizing ng gobyerno upang mabawasan ang parehas na trabaho sa pamahalaan.

Kaya nga binuwag ni Duterte ang Philsucor dahil pareho at sinasapawan nito ang tungkulin ng Sugar Regulatory Administration (SRA).

Ang Philsucor, isang government-owned and controlled corporation, ay itinatag noong Nobyembre 14, 1983 upang gastusan ang pagbili, rehabilitasyon at pagpapalawak ng gilingan ng asukal, refineries, at iba pang pasilidad na ginamit sa paggawa, pag-impake, pag-imbak, distribusyon at pagpapadala ng asukal at ibang produkto nito.

Ngunit iba ang sinasabi ng kasaysayan, gaya ng babala ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) na ibabalik ng pagbuhay sa Philsucor ang kroniyismo ng Marcos. Ibabalik din nito ang trauma ng krisis ng asukal.

Ayon sa UMA, ang monopolyo noon ay naghatid sa industriya sa bingit ng pagbagsak, nagresulta sa pagkawala ng kabuhayan ng libo-libong trabahador, at naghatid sa milyong katao sa taggutom.

Bigo ang Philsucor kung ganun. Bakit ito bubuhayin ni Marcos Jr.?

Sabagay, wala atang nakikitang mali ang anak sa ginawa ng ama kaya dinuduplika nito ang naganap.

Plano ba ng administrasyon ngayon na kontrolin ang merkado ng asukal sa pamamagitan ng Philsucor na magpapakita ng pagkiling o pagpanig ng nasa kapangyarihan sa mga kaibigan at kapanalig sa pamamagitan ng pagbigay sa mga ito ng posisyon?

Dito, itsapuwera na naman ang kapakanan ng mamamayan.

Panibagong kroniyismo sa panibagong Marcos, na ayon sa UMA ay magpapalala sa malubha nang problema ng bansa sa asukal.

Kung ibang palakad at maganda ang intensyon ng Philsucor ngayon, eh ‘di mainam, ngunit magkapareho lang ang trabaho nito at ng SRA.

Ang maigi ay dapat gawin ng DA at SRA ang kanilang trabaho at huwag nang buhayin ang bangkay ng isang korporasyon na kasamang naagnas ng korapsyon. Ito ay kung gusto talaga nilang tumulong.

Ang gustong tumulong ay hindi aasa sa kawangis na programa. Dinuduplika ang maganda, hindi ang mala-bangungot na alaala.

286

Related posts

Leave a Comment