CLICKBAIT ni JO BARLIZO
PATINDI nang patindi ang bangayan ng dalawang pinakamakapangyarihan at namamayagpag na dinastiya sa bansa.
Sa harap mismo ng mamamayan, masasaksihan ang batuhan ng tirada ng tropang Marcos at ng hukbong Duterte.
Inaaliw ang mga tagapanood ng kanilang hindi sukat akalain na alegasyon.
Batuhan ng droga. Fentanyl vs cocaine, battle of the addicts, bangag kontra bangag ang ilan sa mga titulong ikinabit ng mamamayan sa ratratan ng kasalukuyang presidente at ng kanyang sinundan.
Inakusahan ni Duterte si Marcos na drug addict. Si Marcos umano ay nasa drugs watchlist ng pamahalaan.
Resbak ni Marcos kay Duterte, posibleng side effect daw ng fentanyl kaya dinadawit ang kanyang pangalan sa listahan ng PDEA.
Kung sa pag-aakala n’yo tapos na ang boksing dahil nag-sorry na raw ang anak ni Digong na si Baste kay PA as in presidential ate Sen. Imee, ay nagkakamali kayo.
Muling rumatsada ang bibig ng matandang Duterte at hinamon nang magpa-drug test si Pangulong Bongbong Marcos. May isa pa siyang kondisyon, dapat daw gawin ito sa harap ng publiko.
Tila, kaswal lamang ang batuhan ng alegasyon ng mga may kapangyarihan. Kung ordinaryong tao ang pinagbintangan ay tiyak na may paglalagyan.
Pero sa mga poderoso, ang alegasyon ay pinagpipiyestahan lang.
Ang daming problema ng bansa na dapat tuunan ng pansin at ayusin pero bangayan ang inaatupag ng mga nagbabando ng unity. Ang pagkakaisa ay binigkis para tumibay ang adhikain para sa interes ng sambayanan.
Marami ang dapat pag-aksayahan ng panahon. Nasasayang ang oras sa ganitong alitan. Ito ang pagwawaldas sa mahalagang tiyempo na ilaan sana sa paghahanap ng remedyo sa mga problemang nakakaapekto sa serbisyo at interes ng mga tao.
Sirkus nga ba ang pulitika sa bansa? Naglalaro at nagkakatuwaan ang mga may poder habang nagsisikap ang mamamayan na mairaos ang buhay sa araw-araw.
Kapakanan ng madla ang dapat pagtuunan ng atensyon ng mga lider ng bansa, hindi ang intensyong manatili sa trono at kapangyarihan.
Magbangayan man ang mga politiko, sila pa rin ang wagi. Mamamayan ang talo.
Abangan ang mga karugtong na serye ng sigalot ng Team Unity. Laging ihanda ang binusang mais sa pagsubaybay sa hiwalayan ng mga dinastiya sa bansa.
Ang kakampi noon ay kaaway ngayon.
Tiyak titindi pa ang mga akusasyon kahit pa sinabi ni Marcos na buo pa rin ang UniTeam nila ni VP Inday.
Huwag sanang mabangag sa panonood ang taumbayan dahil ang bagay na ito’y sadyang nakababagabag.
72