Walang puwang sa Department of Justice (DOJ) ang sinumang piskal na mapapatunayang sangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.
Matindi ang banta ni Secretary of Justice Menardo Guevarra sa sinumang mapatunayang public prosecutor na sabit sa ilegal na droga, dahil hindi lamang sibak sa serbisyo kundi may kakaharapin ding kasong kriminal ang mga ito.
Kinausap na rin ni Secretary Guevarra ang Philippine Drug Enforcement Agency na bigyan ang DOJ ng listahan ng sinasabing 10 piskal na diumano’y sangkot sa ilegal na droga.
Paliwanag ni Sec. Guevarra na mula sa nasabing listahan ay tutukuyin nila kung may basehan ang nasabing listahan para makapagsagawa ng full-blown investigation na pangungunahan ng National Bureau of Investigation.
Sinabi pa ni Sec. Guevarra na sakaling mayroong sapat na ebidensya ay kaagad nilang isasampa ang kaso laban sa mga naturang public prosecutors.
Sa panig naman ng Supreme Court nagbabala ito sa hanay ng mga hukom na kasama sa narco-list ni Pangulong Duterte na may paglalagyan din ang mga ito sa oras na mapatunayan na sangkot sila sa ilegal na droga.
oOo
Huhusgahan na ng panel of prosecutors ng Department of Justice ang kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms and Explosives laban sa mag-amang Vice Mayor Charlie Yuson at Mayor Charmax Yuson ng Batuan, Masbate, makaraan namang makuha sa tahanan at beach resort ng mag-amang Yuson ng PNP-CIDG sa Bicol ang dalawang M16 rifles, 2 12 gauge shotgun, isang kalibre 45 at dalawang granada.
Matapos ang hearing nitong nakalipas na Lunes at makapaghain na ng kanilang mga kontra salaysay ang mag-amang Yuson at makapaghain din ng kanilang pinagsamang sinumpaang salaysay ang mga tumatayong testigo ng mag-amang Vice Mayor at Mayor Yuson ay idineklara nang submitted for resolution ng DOJ ang kaso laban sa mga respondent.
Inakusahan naman ng isa sa mga respondent o ni Vice Mayor Charlie Yuson na ang nasa likod ng kinakaharap nilang pangha-harass o kaso ay ang kontrobersyal na si Philippine Charity Sweepstakes Board of Director Sandra Cam dahil sa ang anak umano ni Sandra Cam na si Mark Cam ay makakalaban sa pagka- mayor ng batang Yuson sa Batuan, Masbate?! (Pro Hac Vice / BERT MOZO)
134