HINDI na bago ang kalakaran ng pamumuhunan sa politika ng mga negosyanteng hangad ay masaganang kitang kapalit ng kanilang suporta. Mayroong mga kontratista sa gobyerno, mga pribadong negosyante, may mga promotor ng iligal na pasugalan at yaong mga sangkot sa kalakalan ng droga.
Sa gitna ng kampanyahan, kaliwa’t kanan ang bigayan. May pa-raffle, pakain at palihim na abutan.
Ang tanong – sariling bulsa ba ang kanilang pinaghuhugutan? Kung oo, malinaw ang kanilang paglabag sa panuntunan ng halalan. Kung galing sa iba ang perang ginamit sa tinustusang pa-raffle, pakain at palihim na abutan, malamang may isinusulong na interes ang pinagmulan.
Sino ba naman kasi ang mamimigay ng malaking perang kanilang pinaghirapan? Ang sagot – wala, maliban na lang kung may mas malaking kitang mula sa negosyong inaasahan.
Ang totoo, walang masama sa pagtulong sa kandidatong kursunada kung paniwala nilang sa manok nila ang bayan ay malalagay sa mahusay na pangangasiwa.
Bukod sa mga lehitimong negosyante, pasok din ang kwarta ng mga sindikato sa likod ng kalakalan ng droga sa kampanya.
Taong 2019 nang maglabas ang Pangulo ng talaan ng narco-politicians, kabilang ang 44 na kilalang personalidad sa larangan ng pulitika – mga kongresista sa Kamara at mga lokal na opisyal sa lalawigan, lungsod at mga bayan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bagama’t may ilan na sa kanila ang pumanaw o nasa kulungan, marami pa rin ang nananatiling may tikas na nasa pwesto ng kapangyarihan.
Patunay ng pamamayagpag ng droga sa malalayong lalawigan ang nakakaalarmang dami ng drogang narekober ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa magkakahiwalay na operasyon sa mga nakalipas na buwan.
Paniwala ng marami, sadyang bumubuhos ang droga sa tuwing sasapit ang halalan, bagay na batid ng pamahalaan kahit noon pa man.
Ang masaklap, walang magawa ang PNP at PDEA sa malalayong mga lalawigang kontrolado ng mga naghahari-hariang politikong nakasandal sa pera, armas at pwesto.
Ano nga ba naman kasi ang pantapat ng isang lokal na himpilan ng pulisyang swerte na kung may 30 pulis na nagpapalitan lang sa istasyon? Kaya ba nilang sabayan ang libong kataong bahagi ng private army ng isang sigang politiko?
157