Mistulang hino-hostage ng SSS at PhilHealth ang OFWs dahil gusto nitong itali o gawing sapilitan na magbayad ang OFWs ng kanilang membership bago makakuha ng OEC o Overseas Employment Certificate na isang document na kailangan na maipakita sa Immigration Officers para makalabas ng bansa.
Mariing tinutuligsa at tinututulan ito ng halos lahat ng OFW leaders at advocates dahil sa pananaw na mistulang ginagawang gatasan ng iba’t ibang institusyon ang OFWs. Napakadali kasi para sa mga ito na i-hostage ang OFWs dahil sa kagustuhan na makapaghanapbuhay sa ibang bansa at wala na silang magagawa kundi sumunod at magbayad huwag lamang maantala ang kanilang pag-alis.
Sa aking pananaw, ako ay hindi tutol sa pagbabayad sa PhilHealth sa kadahilanang ako mismo ay nakinabang ng higit sa P30,000 na diskwento sa pagiging member nito noong ako ay naoperahan sa isang pribadong ospital. Gayundin, ating isinusulong ang pagkakaroon ng OFW Pension Plan. Ang tanging pagtutol lamang dito ng karamihan sa leaders at maging ng mga OFW ay ang sapilitan na pagbayarin ang OFWs kapalit ng OEC gayung karamihan sa mga umaalis ng bansa ay halos nababaon na sa utang dahil sa raming pinagbabayaran sa pagproseso ng kanilang mga papeles sa POEA, visa stamping sa embahada, medical atbp.
Kung ang hangarin ng SSS at PhilHealth ay makalikom ng malaking pondo mula sa OFWs na halos dalawang taon na hindi makikinabang sa medical benefits ng PhilHealth, siguro mas mabuti na palakasin na lamang nila ang kanilang programa sa ibang bansa para maengganyo sa pagbabayad ang OFWs at hindi itali ang OEC sa pagbabayad nito upang hindi naman maramdaman ng OFWs na masyado silang ginigipit at ginagatasan.
oOo
Ang Ako OFW ay naglalaan ng espasyo para sa mga sumbong at mungkahi. Magpadala lamang po ng inyong liham sa aking email address: drchieumandap@yahoo.com (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)
222