OP ANG LP

DPA ni BERNARD TAGUINOD

ANG saya talaga ng pulitika sa Pilipinas dahil parang teleserye ang nangyayari sa pagitan ng mga Duterte at Marcos na mula sa pagiging dating magkaalyado ay tuluyang naghiwalay ng landas na imposibleng magkabalikan muli.

Araw-araw ay inaabangan ang mga bagong kabanata hinggil sa political war ng dalawang pamilyang ito na may kanya-kanyang supporting team kaya hahaba pa ang teleserye na puwedeng pamagatan bilang “Anong Nangyari sa Atin?” o kaya “Hindi naman tayo ganito dati”.

Mas mahaba ito sa mga teleserye o kaya sa movie series sa Netflix na pamatay ng oras ng televiewers bago matulog sa gabi o nagpapahinga mula sa maghapong trabaho na nagpapa-relax sa kanila.

Palagay ko ay magtatagal ito hanggang 2028 dahil tiyak na may kanya-kanyang manok sa presidency ang mga ito na siyang magdedetermina sa kanilang kapalaran sa pulitika at proteksyon na rin siyempre.

‘Yung parating na midterm election sa 2025, panghimagas lang ng dalawang pamilyang ito dahil ang tunay na labanan sa pagitan nila ay sa 2028 presidential election kaya mag-iipon muna sila ng mga kaalyado sa susunod na taon.

Kung baga ang Duterte at Marcos ang nasa center stage ngayon pero hindi sinasamantala ng Liberal Party (LP) para palakasin ang kanilang pwersa upang mabawi ang kapangyarihan na nawala sa kanila.

Napapansin n’yo, hindi napag-uusapan ang LP. Parang OP as in Out of Place sila sa mundo ng pulitika sa Pilipinas. Ibig bang sabihin nito, wala nang interes sa kanila ang sambayanang Filipino at hindi na magluluklok ng LP sa Senado?

Bagama’t nandyan si Sen. Risa Hontiveros, hindi siya tunay na LP kundi mula siya sa Akbayan kaya walang LP member sa Senado at sa Kamara, mabibilang mo lang sa daliri mo ang LP congressmen.

Kaya mapapatanong ka, may attitude problem ba ang LP kaya hindi sila lumalakas kahit ‘yung mga magka-unity noon ay nag-aaway na ngayon?

May naririnig kasi ako na may mga grupo na hindi kaalyado ng Marcos at Duterte na gustong magsama-sama para lumakas ang kanilang puwersa na babangga sa dalawang pamilyang ito sa mga susunod na eleksyon.

Ang problema, mukhang mayroong hindi pumapayag sa LP at maging sa kanilang kaalyadong grupo na sumama sa kanilang grupo ang mga dati nilang kaaway sa pulitika kaya kanya-kanyang nagbuo na ng grupo ang iba para sa midterm election lalo na sa Senado.

May mga impormasyon din na may pagka-elitista ang ilan sa LP members dahil gusto nilang sila ang masusunod at sinoman ang gustong sumama sa kanila ay dapat sumunod sa kanila dahil ang nasa isip nila sila ang genuine opposition.

Walang genuine na opposition na hindi man lang napag-uusapan at lalong hindi pwedeng tawaging genuine opposition ang isang grupo na wala namang puwersa sa gobyerno, hindi ba?

35

Related posts

Leave a Comment