Hindi magandang balita para sa mga Filipino na nahihirapang makakuha ng trabaho sa bansa ang napapabalita na dumarami ang mga dayuhang illegal workers sa bansa, na karamihan mga Chinese nationals.
Mas masakit ito para sa mga overseas Filipino workers na nagtitiis sa lungkot na malayo sa kani-kanilang pamilya sa paghahanap ng trabaho sa ibang bansa para lamang suportahan ang pangangailangan ng pamilya dahil wala silang makuhang trabaho dito, gayung marami naman pala at ang nakikinabang ay ang mga illegal foreign workers.
Okey lang sana kung ang mga trabahong inookopa ay yaong mga highly technical works na walang kakayahan ang mga local na mangagawa na gawin ito.
Eh ang siste , base sa mga isinagawang mga surprise inspection ng Bureau of Immigration (BI) sa mga pangunahing establishments sa Metro Manila karamihan sa kanilang mga nahuhuli ay nagtatrabaho bilang waiter, kusinero, hairdresser, konstruksiyon at marami pa na kaya namang gawin ng ating mga kababayan.
Ang hindi pa maganda, lantaran na ang kanilang pagseserbisyo sa mga pangunahing establisimento na karamihan ay pag-aari ng mga Chinese at tila nagmamalaki pa ang mga ito na parang may mga “protector” sa kabila na wala silang hawak na mga kaukulang dokumento sa kanilang pagpasok at pagtrabaho sa bansa.
Hindi naman nakakapagtaka siguro dahil alam naman na sobrang maluwag ang kasalukuyang administrasyon sa pakikipagrelasyon sa China kaya maging ang mga opisyal ng ahensiya ng gobyerno na may kinalaman dito ay tila pikit-mata naman sa pagdagsa ng mga illegal Chinese workers sa Pilipinas.
Sa sobrang luwag nga sa kanila, binabastos na nila tayo, gaya ng insidente nang pananaboy ng taho ng isang Chinese student sa isang pulis nang harangin ito na makapasok sa MRT at yung Chinese na nanghipo ng tatlong estudyante sa isang park sa Pasay City, samantalang mga ordinaryong Tsino lamang ang mga ito pero ang lalakas ng loob na umabuso.
Batay sa record ng Bureau of Local Employment (BLE) noong 2018, umaabot sa 115,652 ang foreign workers sa Pilipinas na inisyuhan ng Alien Employment Permit (AEP), karamihan ay Chinese,Japanese at Koreans.
Okey lang ang mga ito dahil legal ang kanilang paninirahan at pagtatrabaho, at least, napapakinabangan sila ng gobyerno dahil nagbabayad ang mga ito ng buwis at iba pang kaukulang bayarin.
Habang lumabas sa isinagawang imbestigasyon ng Senado noong 2018, ang mga illegal workers sa Metro Manila lamang ay umaabot sa 400,000 o baka sa kasalukuyan na doble na ito dahil maging mga lalawigan ay kalat at aktibo rin sila, wala silang binabayarang buwis, working permits at iba pang requirements sa kanilang pananatili at pagtatrabaho sa bansa. Dahil dito, tumatanggap sila ng sahod na mas mababa sa ipinaiiral na minimum wage sa bansa kaya sila ang kinukuha, hindi ito patas para sa mga Pinoy workers.
Sana kung naibigay ito sa ating mga walang trabahong Pinoy, mababawasan na ang walang mga trabahong, na siyang idinadahilan palagi ng mga nakakaraming nahuling mga nagtutulak ng illegal drugs sa bansa.
Tulad sa napaulat kamakailan na sa Isla ng Boracay ay napag-alaman na pinasok na rin ng mga dayuhang mga mangagawa lalo na sa mga malalaking hotel sa kontruksiyon na tinatayang 2,000 illegal foreign workers.
Sana makatotohanan naman ang ginagawang kampanya ng gobyerno laban sa mga Chinese illegal workers sa bansa dahil ang nasabing usapin ay hindi lamang nakasentro sa employment kundi nakasalalay din dito ang ating national security.
Baka magising tayo isang umaga na hindi na tayo nakakailos ng malaya at ang nagdidikta na sa ating mga gagawin ay ang mga dayuhang ito.
Gaya na lamang sa nangyari sa West Philippine Sea, dati napapansin ng ating mga opisyal na paikot-ikot lamang sila sa Mischief Reef, isa sa mga isla na inaangkin ng Pilipinas. Sinasabi nila na nagsasagawa lamang ng surveillance subalit nagising na lang tayo isang umaga na tinambakan na ito, tinayuan ng mga gusali. Ngayon takot naman tayo na palayasin sila dahil wala naman tayong kakayahan na makipagdigma. Point of View / NEOLITA R. DE LEON
140