PAGGALANG SA BATAS AT DIYOS, AT ANG MGA TAONG PASAWAY

PRO HAC VICE

Para sa mga taong may paggalang sa umiiral na batas at Diyos na walang ginagawang masama, wala akong nakitang masama kung mayroon mang presensya ng militar sa kanilang lugar. Dahil kapag mayroon ngang kaguluhan sino ba ang ating tinatakbuhan? Di ba ang mga awtoridad naman?

Bakit kaya may mga taong ayaw ng presensya?

Gaya na lamang ng ilang mga guro at ilang estudyante sa state universities na galit na galit sa plano ng go­byerno na maglagay ng military detachment malapit dito upang masansala naman ang mga taong may masamang balak sa mga paaralang pinapatakbo ng pamahalaan.

‘Di ko lang maintindihan sa mga naturang mga guro at estudyante kung ano ba talaga ang kanilang nais? Ano ba talaga ang gusto ninyo na hayaan na lamang na ang kasamaan ay umiral sa state universities? Kaya tuloy kayo ay pinaghihina­laang may kinalaman sa recruitment na ginagawa ng New Peoples Army sa mga estudyante o kaya’y kayo mismo ang sangkot sa pagkalat ng mga ilegal diyan sa inyong pinagtuturuan at pinapasukang paaralan,

Baka naman nakalimutan ninyo na ang inyong pinapasukan ay state universities at kung sa tingin ninyo ‘di na kayo masaya sa ginagawa ng pamahalaan ay pwede po kayong magbitiw sa pagtuturo at sa mga estudyante naman maaari rin kayong lumipat sa mga paaralan na sa tingin ninyo malaya ninyong nagagawa ang mga kabulastugan ninyo.

Sa mga estudyante na sa tingin ko pa naman ay mayroon kayong talino kaya kayo ginagastusan ng pamahalaan kung bakit kayo napapaniwala sa mga maling propaganda, ‘di ba dapat ang ilagay ninyo sa isipan ninyo na kaya kayo nag-aaral sa state universities ay upang maingat ang inyong sarili at pamilya gayun din ang bayan ninyo ‘di ba?

At sa mga guro naman na nagwawala sa plano ng pamahalaan, ‘di ba dapat ang ituro ninyo sa mga estudyante ninyo ay kung papaano maging isang ma­buting mamamayan na maka-“Diyos at makabayan” at may disiplina sa sarili?

Bakit kayo pa ang humihikayat sa mga estudyante na mag-alsa laban sa pamahalaan gayong itinuturing kayo na ikalawang magulang ng mga mag-aaral?

Ganyan ba ang nais ninyo sa mga anak ninyo na sa halip sa loob ng paaralan at nag-aaral ay sa lansangan nakakalat?

O baka naman ang mga anak ninyo mismo ay hindi sa Pilipinas nag-aaral at nasa ibayong dagat kaya ganyan na lang kayo manghikayat ng mga estudyante? (Pro Hac Vice / BERT MOZO)

90

Related posts

Leave a Comment