Parang throwback sa diktaduryang Marcos ang pinapanukalang panunumbalik ng Anti-Subversion Law.
Ang Anti-Subversion Law ay dating isinabatas upang tugisin ang Hukbalahap o ang Hukbong Laban sa Hapon, na pawang mga komunistang gerilya na lumaban sa mga mananakop. Habang ang layunin ng Hukbalahap ay palayain ang Pilipinas sa dayuhang pananakop at kolonyalismo, tinugis sila ng pamahalaan.
Ito ang anti-demokratikong batas na nais ibalik ni DILG Secretary Eduardo Año upang pigilan umano ang pag-anib ng mga kabataan at mamamayan sa Communist Party of the Philippines at sa New People’s Army.
Una na itong tinanggal noong 1992 ni dating Presidente Fidel V. Ramos. Maraming senador at mambabatas din ang tutol dito dahil ito ay lumalabag sa demokratikong karapatan ng mamamayan na ginagarantiya ng Saligang Batas, kabilang na ang karapatan na sumapi sa mga organisasyon, magsagawa ng mga pagtitipon, bumuo ng mga organisasyon at unyon, manawagan sa gobyerno ng mga hinaing, malayang pamamahayag, at iba pang karapatan.
Ano ang magiging epekto kung ibabalik ito? Mas malalang mga patayan, karahasan, pagsampa ng mga gawa-gawang kaso at mapupuno ang mga kulungan ng mga inosenteng mamamayan. Lalo na ngayon na nalalantad na ang kabulukan at kapalpakan ng administrasyong Duterte. Dahil namumulat na ang mga tao, gusto pa nilang patindihin ang pag-atake at patahimikin ang mga kritiko nito.
Dapat ay kagyat at mariing tutulan ito ng mamamayan kundi ay mahihirapan na tayong maibalik muli ang mga naipanalo nating mga demokratikong karapatan laban sa mananakop, at mapanupil na gobyerno.
Ang totoong tatapos sa pag-aaklas ay ang pagtugon sa mga hinaing ng mamamayan. Lupa para sa mga magsasaka, trabaho at nakabubuhay na sahod para sa mga manggagawa, industriyalisasyon ng bansa at modernisasyon ng agrikultura, libreng edukasyon sa mga kabataan, makabayang kultura, at iba pang demokratikong kahingian ang tatapos sa digmaang sibil na nagaganap sa ating bayan. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
295