PAGLOBO NG BILANG NG DISTRESSED PINAY SA UAE, DAPAT IMBESTIGAHAN NA NG SENADO

AKO OFW

(Unang bahagi)

Sa ulat na ipinalabas ng TV Patrol noong  Agosto 17 ay sinasabi na halos 450 Pinay na ang nasa loob ng Bahay Kalinga sa Philippine Embassy sa United Arab Emirates (UAE). Diumano ay nagsagawa pa ng noice barrage o pag-iingay ang mga ito bilang protesta sa mabagal na pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas.

Matagal nang mayroong deployment ban para sa mga domestic helper sa UAE dahil sa hindi pagsang-ayon ng gobyerno ng UAE sa mga patakaran na nakasaad sa kontrata sa panig ng Philippine Recruitment Agencies. Kung kaya, naging daan naman ito sa pagdami ng illegal recruiters na nambibiktima sa mga Pinay na nasa Hong Kong at maging sa Pilipinas.

Kamakailan ay nakatanggap ako ng sumbong mula sa isang kaibigan na naging biktima ng illegal recruiter na itago na lamang natin sa pangalan na Maky. Ayon sa kanya, siya ay nahikayat ng isang Arabo na ang pangalan ay Nassar Abu Snaineh upang pumunta sa UAE at mamasukan bilang lady driver. Nakilala ni Maky si Nassar sa pamamagitan lamang ng social media.

Ayon kay Maky ay si Nassar ang nag-asikaso ng kanyang visa at maging ang pagbabayad ng halagang P60,000 sa nag-escort sa kanya sa Immigration sa NAIA. Noong makarating siya sa UAE ay agad na kinuha ni Nassar ang kanyang pasaporte at makalipas ng ilang araw ay ipinasa na siya sa isang employer bilang lady driver. Ngunit, dahil panahon ng bakasyon, kung kaya ibinalik siya uli ng employer kay Nassar dahil hindi pa diumano kailangan ng driver.

Ngunit ayaw ibalik ng nasabing employer ang pasaporte ni Maky dahil, kailangan daw munang ibalik ni Nassar ang kanyang ibinayad. Kung kaya, ipinasa na naman ni Nassar si Maky sa ibang employer upang doon muling pabayaran, kung imbes na ibayad sa dating employer upang makuha ang pasaporte ni Maky ay binalewala na lamang ni Nassar ang naunang employer.

Noong nagreklamo si Maky, ay agad siyang binugbog ng anak ni Nassar. Doon lamang niya nalaman na hindi lamang pala siya ang ginawan ng pananakit ng anak ni Nassar upang maging sunud-sunuran sa kanyang ama ang mga Pinay na kanilang nire-recruit. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

160

Related posts

Leave a Comment