PAGSASAMANTALA SA KALAMIDAD LAGI NA LANG

DPA

TUWING  may kalamidad na nangyayari sa ating bansa, ang laging kabuntot na problema ng mga biktima ay ang pagsasamantala ng mga tiwali at gahamang  negosyante.

Laging nagkakaroon ng overpricing sa mga produktong kailangan ng mga biktima ng kalamidad tulad ng pagsasamantalang ginawa ng mga nagtitinda ng N95 face masks makaraang pumutok noong Linggo ang Bulkang Taal.

Wala tayong ideya kung magkano talaga ang retail price ng isang N95 face mask pero mismo ang Department of Trade and Industry (DTI) ang nagsasabi na mayroong overpricing sa kanilang isinagawang test buy.

Alam ng mga negos-yante na kailangan ng mga tao ang N95 dahil sa sulfur at abo na ibinuga ng Bulkang Taal at nakakita na naman sila ng pagkakataon para kumita dahil hindi naman araw-araw ay may gumagamit ng face mask.

Walang dumaan na kalamidad sa bansa natin at walang nagsamantala na negosyante dahil karaniwang nangyayari tuwing may bagyo na tumataas ang presyo ng mga bilihin sa mga lugar na sinalanta.

Nagkakaroon ng ¬hoarding sa mga supply ng pagkain kaya tumataas ang presyo dahil sa kakulangan ng supply kaya dobleng parusa ang inaabot ng mga biktima ng kalamidad dahil sa mga tiwaling negosyanteng ito.

Nagmamahal din ang construction materials kapag nagkaroon ng bagyo dahil alam ng mga tiwaling negosyante na kailangang kailangan ng mga tao ang kanilang mga paninda.

Naaatim ng mga negosyanteng ito na magsamantala sa kanilang kapwa sa panahon nang pangangailangan kaya siguro  wala na silang konsensya at pera na lang ang kanilang panginoon.

Ano na nga pala ang nangyari sa mga negosyanteng nahuling nagsasamantala sa kanilang kapwa sa mga nagdaang kalamidad? May nangyari ba? Mayroon na bang nakulong at napagmulta ang DTI?

Hangga’t  walang nakukulong na negosyanteng nagsasamantala sa kanilang kapwa sa panahon ng sakuna ay magpapatuloy ang gawain ng mga tiwali na imbes na tumulong ay pinagkakakitaan pa nila ang mga biktima ng kalamidad.

Pero kung may mga gahaman sa salapi sa panahon ng kalamidad, marami rin naman ang nagpapakita ng malasakit at pagmamahal sa mga nasalanta nating mga kababayan.

Marami ang kusang nagdo-donate sa abot ng kanilang mga makakaya, mga ordinaryong mamamayan na walang pangalan at hindi na naibo-broadcast pa ang kanilang pagtulong.

Sa kanila ako saludo at hindi sa mga sikat, mayayaman na tila ipinagmamalaki pa nila na sila’y nakatulong sa kanilang kap-wa. Panginoon, huwag mo kaming pabayaan. (DPA / Bernad Taguinod)

254

Related posts

Leave a Comment