PALIMOS NG CLASSROOMS

KUNG aasa ang Department of Education (DepEd) sa donasyon upang makapagpatayo ng mga classroom, hindi kaya ipinupundar ng ahensiya ang kulturang nakasandal sa pamamalimos?

Naghahanap ang DepEd ng pondo sa labas ng national budget upang matugunan ang classroom backlog ng mahigit 165,000 na nakakaapekto sa 4 milyon hanggang 5 milyong mag-aaral sa bansa.

Mula sa P710-billion budget ng DepEd ngayong 2023, tanging P15.6 billion ang inilaan sa pagpapagawa ng mga silid-aralan, ayon kay Education Undersecretary Epimaco Densing III.

Mula noong nakaraang administrasyon ay problema ang kakapusan ng classroom, ngunit hindi sinilip ang problemang ito sa umpisa pa lang ng pagpopondo ng ahensya. Parang ngayon lang sumulpot ang problema kaya ang diskarte ay aasa sa foreign at private donations.

Gayunpaman, sa nasabing budget, makapagtatayo ang DepEd ng 6,421 bagong classrooms ngayong taon, at kung tuloy-tuloy ang takbo ay aabutin ng mahigit 20 taon para maresolba ang 160,000 kakulangan ng classroom. Ngunit, ayon kay Densing, kailangan ng DepEd ang hindi bababa sa P100 bilyon kada taon upang tuluyang mabura ang kakapusan ng classroom pagsapit ng 2030.

‘Yun pala, pero bakit gustong ipapasan sa iba ang pagpapagawa ng mga silid-aralan? Gusto ng madaliang resulta, ngunit hindi pinag-igihan sa umpisa.

Ipinapakita nito na palpak ang pamahalaan sa paglalaan ng pondo, at hindi pinansin ang classroom shortage na kailangang lapatan ng agarang solusyon.

Pwede naman kasi humingi ng limos sa ibang bansa at mga pribadong organisasyon. Lalong pinagana ng P14.5-million grant mula sa Japanese Embassy para itayo ang elementary school sa Ilog town, Negros Occidental province.

Ayon kay Densing, ang salaping makukuha mula sa private organizations at foreign governments ay makatutulong dahil kulang ang pondo ng pamahalaan.

Kulang, pero malaki ang nakabungkos sa intel funds bukod ang confidential funds. Ilang classroom ang magagawa ng P150 milyon? Kahit man lang ‘yung sobra sa toothbrush drill at red-tagging.

Donasyon pa ang binalingan. Kontribusyon o donasyon mula sa civil society groups, non-governmental organizations at business groups ang target ng ahensya.

Ang mga donor ay bibigyan ng incentives, kabilang ang tax credits, sa ilalim ng Republic Act No. 8525, o ang Adopt-A-School-Program.

Ang tanong: pumatok kaya ang diskarte at istratehiya?

Sabagay, wala palang insentibo ang mga donor ng mga titser na umaasa rin sa kontribusyon, donasyon at solicitation para punan ang kakulangan ng mga gamit, school supplies at ibang esensyal na bagay sa kanilang silid-aralan.

136

Related posts

Leave a Comment