PALIWANAG SA PAGTAAS NG BAYARIN SA KURYENTE NGAYONG MAYO

Sa Ganang Akin

BILANG pagsunod sa ipinatupad ng pamahalaan na enhanced community quarantine (ECQ), pansamantalang ipinahinto ng Manila Electric Company (Meralco) ang pagbabasa ng metro bilang pagsasaalang-alang sa kaligtasan at kalusugan ng customers at   meter readers.

Bunsod nito, nagkaroon nang pag-estimate ng bill ng customers para sa buwan ng Marso at Abril. Ang pag-estimate ng bill ng customer base sa average ng huling tatlong buwan na  konsumo ng mga ito ay pinapayagan sa  ilalim ng Distribution Services and Open Access Rules (DSOAR) na ipinalabas ng Energy Regulatory Commission (ERC).

Para sa buwan ng Marso, ang ginamit na basehan ng estimation ng bill ay ang konsumo para sa buwan ng Disyembre 2019, Enero 2020, at Pebrero 2020. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang temperatura sa mga buwan na ito ay ‘di hamak na mas mababa kumpara sa temperatura sa kasalukuyan.

Bukod pa sa init ng panahon, ang isang bagay din na maaaring nakaapekto sa paglaki ng konsumo ng customer ay ang pamamalagi sa loob ng bahay ngayong ECQ. Tiyak na magkakaroon nang pagtaas sa konsumo dahil sa mas matagal na paggamit ng mga kagamitang de kuryente at kagamitang pampalamig gaya ng aircon at bentilador. Ang mga aircon na kung dati ay ginagamit sa loob lamang ng anim hanggang walong oras kada araw, ay maaaring ginagamit ng mas matagal ngayong ECQ.

Ang tanging basehan ng Meralco sa pag-kalkula ng konsumo ng customers ay ang reading na nakukuha sa metro ng mga ito buwan-buwan. Kasama na rin sa kabuuang konsumo na nakalagay sa bill ng customers ngayong Mayo ang adjustment para sa buwan ng Marso at Abril na estimated lamang. Ito rin ang isang dahilan kung bakit nagkaroon ng pagtaas ang bill ng customer para sa buwan ng Mayo.

Makakaasa ang customers na ang pagbasa sa kanilang metro ay tama at madaling maunawaan.
Upang makagaan sa bayarin ng mga customer, ang mga bill na may due date na March 1 hanggang May 15, kung hindi kayang bayaran ng buo, ay maaaring bayaran ng apat na hati sa loob ng apat na buwan.

Nangangako ang Meralco na magbibigay ito ng mga posibleng opsyon para sa kaginhawaan ng mga customer nito.

Para sa mga customer na may katanungan ukol sa kanilang  mga bill at meter reading, maaari nilang idulog ang kanilang mga tanong sa  24/7 hotline  ng Meralco sa bilang na 16211. Maaari ring mag-iwan ng mensahe sa aming Facebook at Twitter page. Maaari ring bumisita sa pinakamalapit na business center sa inyong mga lugar.

157

Related posts

Leave a Comment